Lunes, Hunyo 27, 2016

Memorya



‘Magkabigkis ang aming mga puso sa tulong ng pisi ng pagmamahalan. Hindi basta-basta mapuputol nang sinuman o anuman.  Ang wagas na pag-ibig kaakibat ay walang hanggan.’


***

Sa saliw ng malumanay na kanta ay pinagsaluhan naming dalawa ang bawat ritmong umaalingawngaw. Ang aming mga mata ay nakatutok sa isa’t-isa habang ang mga labi ay hindi mapalis sa pagkakakurba.

“Walang hanggan kitang mamahalin.” Ang ani ko sa kaniya.

Ang mga mata niya ay pumungay kasabay nang pagbakas ng kasiyahan sa kaniyang mukha. Ang bawat tanda ng kaniyang pag-edad ay dinaanan ng haplos ng aking kamay. Dahan-dahan ko itong ginawa na tila ba minememorya ang bawat isa.

Maya-maya ay niyakap niya ako at naramdaman ko kung gaano kahigpit iyon. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at sa silakbo nang damdamin ay napaluha ako at naging sentimental sa pagkakataong iyon. Ang yakap niya ay naghatid ng masarap na pakiramdam, punong-puno nang pagmamahal na hinding-hindi matatawaran.

“Simula’t sapul ay hindi ka nagbago. Walang araw na gigising ako sa umaga’t makakakita ng isang tangkay ng rosa kalakip ang isang sulat na nagsasabing, ‘Mahal kita!’ Mga liham ng pagsinta na iyong inihuhulog pa sa tanggapan ng koreo ang gugulantang sa akin pagkahatid ng kartero. Walang sandaling hindi ko naramdaman ang pagmamahal mo. Walang sandaling hindi ko nanaisin na wala ka sa tabi ko.”

Nakita ko ang pagbuhos ng luha sa iyong mga pisngi. Para itong talon na walang tigil sa pagragasa ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin napalis ang ngiti sa iyong mga labi.  Hinaplos mo ang pisngi ko at naramdaman ko ang pagdampi niyon. Ang gaspang nito ay nagpahiwatig ng mahabang sakripisyo mo sa pagtatrabaho para sa amin ng anak mo.

“Hindi man ako kasing swerte ng iba kaugnay sa yaman o anuman ngunit ipinagmamalaki ko namang ikaw ang swerteng natanggap ko mula sa Kaniya.” Ang muling saad ko habang patuloy pa rin ang aming mga paa sa pag-ikot sa saliw ng makalumang tugtuging aming sinasabayan.

Katahimikan ang sumunod na namagitan. Walang salitang namutawi ngunit tila nagsusumigaw pa rin ang mga salitang hindi man mabigkas ngunit nailalahad naman sa tulong ng pagpapakita.

“’Nay, anong ginagawa mo riyan?” natigil ako sa pakikipagsayaw kay Caloy ng bumulaga sa harap ko ang aming anak.

“Nakikipagsayaw ako sa Itay mo, anak.” Ang magiliw kong sagot.
Ginagap niya ang aking mga kamay at matiim akong tinignan sa aking mata.

“Dalawang dekada nang wala sa atin si Itay,” hinaltak ko ang kamay ko sa pagkakahawak niya at hindi ko maiwasan ang tignan siya ng masama.

“Ano ‘yang kalokohang sinasabi mo, Maria. Hayan ang Itay mo, nakamasid sa’ting dalawa,” sabay turo  sa kaliwang bahagi kung saan nakatayo si Caloy at nakamasid lang sa amin.

“’Nay, hindi na naman kayo nakainom ng gamot.” Ang dagdag pa niya.

“Anong gamot ang pinagsasabi mo? Wala akong sakit. Bakit ako iinom ng gamot?” ang asik ko sa kaniya.

“Nang mawala si Itay ay naging ganiyan na kayo. Ano bang gagawin ko para bumalik kayo sa dati? Sa dating sigla, sa dating pag-iisip? Bakit kayo nagpatangay sa depresyon samantalang narito naman ako para sa inyo? Matagal na hong wala si Itay, sana ho ay palayain niyo na siya. Hanggang ngayon ay nakakulong siya sa inyo at alam kong ngayon ay narito pa rin siya sa lupa kung saan dapat ay nakaakyat na siya sa Itaas.”

Napatingin ako sa bahagi kung nasaan si Caloy ngunit wala na siya roon.

“Nasaan si Caloy?! Nandiyan siya kanina, nandiyan!” Natataranta kong saad, maya-maya’y di ko na napigilan ang mapa iyak-tawa.

Wala na ang Caloy na kasayaw ko, wala na ang asawa ko.

Nababaliw na ngang talaga ako.



#AuditionEntry
#WWBY2016

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento