Huwebes, Nobyembre 3, 2016

Kanlungan


NANATILI akong tahimik sa mga oras na ang tangi ko lang gustong gawin ay sumigaw ng malakas – na iparinig sa lahat ang aking tinig. Ngunit, pinili ko na lamang itikom ang aking bibig upang ikulong ang mga salitang gustong-gustong kumawala. Dahil alam ko, kahit gaano ko kahina ibulong o kalakas ipagsigawan ang mga ito ay walang gustong makinig o mas tamang sabihing… walang makaririnig.

Pero, kailan nga ba nila ako pinakinggan?

Kailan Niya ako pinakinggan?

Noong mga oras na umusal ako ng piping panalangin na sana'y may kumawalang tinig sa aking bibig; na sana mayroon akong kakayahang imutawi ang lahat ng mga salitang nais kong sambitin… naghintay ako, ngunit, sa huli ay wala akong nakuhang sagot.

Sa isip ko, malakas kong pinakawalan ang mga halakhak upang tuyain ang aking sarili.

‘Para kang tanga, Ysobel!’ paratang ko sa aking sarili. ‘Kailan ka ba kasi nila narinig magsalita upang ika’y kanilang pakinggan?’

Ang tanong na siyang nakapagpatigil sa akin. Tama nga naman. May punto ang isang parte ng aking isip. Kailan nga ba ako nagkaroon ng pagkakataong makapagsalita? Kailan ba may lumabas na tinig sa aking bibig?

Ano ba naman kasi ang saysay ng pakikipag-usap sa akin, kung ang tanging paraan sa pakikipag-komunikasyon ay wala ako. Walang boses, walang salita. Hindi naman lahat marunong ikumpas ang kanilang mga kamay sa paraang mababasa’t maiintindihan ko upang makausap lamang ako. Hindi rin naman lahat interesado na kausapin ako kung kaya para saan pa para matutunan nila iyon.

‘Kaya hayan, sige, kausapin mo ang sarili mo sa isip mo!’

Mariin kong ipinilig ang aking ulo. Tama na. Walang magagawa ang pakikipagtalo sa sarili, nagmumukha lamang akong baliw na kinakausap ang sarili sa harap ng salamin lalo na’t wala namang boses silang naririnig.

***

MABINING dumampi ang malamig na hangin sa aking balat, nagawa kong yakapin ang aking sarili matapos nitong manuot sa aking kalamnan. Namamangha kong pinanood ang paghahalo ng mapula-pula at kahel na kulay sa kalangitan, dahan-dahan nitong nilulukob ang liwanag – sumusuong ang dilim at nagpapahiwatig ito ng pag-angkin.

Sinimulan kong ihakbang ang aking mga paa, binaybay ang daan patungo sa hardin ng aming bahay. Nilandas ng aking kamay ang naggagandahang bulaklak na tanim ng aking ina. Pinuno ng matamis na halimuyak nito ang aking ilong, parang alak ay naliyo ako dala ng samyo na pinakawalan nito.

Inilatag ko ang aking katawan sa damuhan at doon ay pinagmasdan ang paghari ng kadiliman sa sangkalupaan. Bumungad ang gasuklay na buwan, nakangiti ito sa akin at tila naghahatid ng kung anong kamisteryuhan. Habang ang mga bituin ay walang tigil sa pagkindat, nagpapapansin sa bawat kurap.

Parang mga letrang bumubuo ng salita, mga salitang bumubuo ng talata; humahanay na parang linya ang mga salitang walang habas na nagpaparamdam. Gumagawa ng gulo ang mga ito sa aking isip, parang mga ibong gustong kumawala sa hawla; pinapagaspas ang mga pakpak sa kagustuhang makalipad palabas. Ngunit, tila rehas na gawa sa bakal ang aking bibig dahil kahit anong gawing takas ay tila nakakulong pa rin. Sa dami ng pagkakataon ay tila nawalan na nang ganang mamutawi ang mga salita na wala rin namang saysay kung sila’y lalabas.

Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata, inilabas ang mga hanging tila pumuno sa aking baga. Iwinaksi ko ang lahat ng pag-iisip, nilinis ang kaninang tila nangangalawang na isip. Unti-unting bumagal ang pagtahip ng aking dibdib hanggang sa dalhin ako nito sa isang mahimbing na pagtulog.

Naalimpungatan ako sa mahinang pagtawag sa aking pangalan. Pupungas-pungas kong kinuskos ang aking mga mata.

‘Ysobel! Ysobel!’

Mabilis akong napabalikwas sa pagkakahiga at agad kong inikot ang aking mga mata upang hanapin ang nagmamay-ari ng tinig. Ngunit, wala ni anino sa paligid ko ang naroon.

Ako lamang, isang orasa, at isang kwaderno na nasa aking paanan ang naroon.

Biglang namayani ang pagkagulat ko sa aking mga nakita, paanong nagkaroon ng mga ganito sa aking harapan? Kanino at saan galing ang mga ito?

Muli akong luminga-linga, sinipat kung sino ang maaaring maging salarin. Ngunit, sa pangalawang pagkakataon ay nanatiling ako at ang mga bagay sa harap ko ang naroon.

Inabot ko ang kwadernong tila niluma na ng panahon gawa ng mga alikabok na bumalot dito, ang ilang parte rin ng pabalat nito’y tanda na dumaan na ito sa maraming kamay: gula-gulanit at sira-sira. Maingat kong binuklat iyon sa takot na masira ko ito ng tuluyan.

At sa pagbukas ko nito'y sumabay ang nakasisilaw na ilaw. Isang mahikang hindi ko mahinuha. Sa isang pahina'y naroon nakatitik ang mga salitang tila galing sa isang tula.

"Paliparin sa hangin ang mga agam-agam  
'wag matakot ibuka ang bibig,
iusal ang mga saloobin
hanggang sa ito'y marinig."

May kung anong pinahihiwatig ang mga katagang iyon na para bang inuutusan akong limiin kung ano ang nasa pagitan ng bawat mga salita. Hindi ko alam kung paanong nakarating ang mga bagay na ito sa akin, kung saan ito galing, at kung paanong nahanap ako ng mga ito. Gusto kong isiping kapalaran ang naghatid nito sa akin; na ito ang destinasyong paroroonan nila. Kung paano ako natunton nito'y, wala akong ideya. Ngunit sa kabilang banda, iisa lamang ang konklusyon na nabubuo sa aking isip, na ang lahat ng ito'y isang misteryo... ngunit marahil siguro'y isa rin itong himala.

'Naririnig ko ang bawat isa sa inyo, Ysobel, kabilang ka at lahat ng mga tulad mo. Naririnig ko ang bawat saloobin ninyo't kahilingan, maliit man ito o malaki. Ngunit, may batas na dapat sundin.'

Hinanap ko ang nagmamay-ari ng tinig na iyon, nilibot ko ang aking paningin sa paligid. Ngunit sa pangatlong pagkakataon ay wala akong napala. Hanggang sa mapagtanto kong iangat ang aking tingin at doon ay nakita ko ang imahe Niyang inukit ng mga bituin. 

“Pero isa lang naman ang hinihiling ko sa iyo, bigyan mo ako ng pagkakataong maiparinig ang aking tinig." sa kabila ng kawalan ng boses ay may bahid pagsusumamo ang aking pag-usal sa isip habang nakatingala at kinakausap ang kalangitan.

'Hindi maaring panigan ang iisa lang dahil lalabas na ako'y may paborito; magugulo rin ang takbo ng mundo, maaaring magkaroon ng kalituhan. Kukuwestyunin nila ang aking batas kung paano ang isa’y nakatanggap ng himala habang ang isa ay hindi. At, hindi rin sa lahat ng pagkakataon ay makatatanggap ng himala ang lahat, mga pili at nararapat na tao lamang. Habang ang iba ay may kaakibat na layuning kailangang tup’din.'

"Kung ganoon natitiyak kong kabilang ako sa iyong huling sinabi." Sagot ko sa aking isip.

'Matapos kong likhain ang lahat ng nakikita't nararamdaman mo at ninyo, ang bawat isa sa inyo'y may ibinigay akong pakay. Maaring ika’y isang instrumentong may layuning gagampanan o maaaring ikaw rin ang mismong didiskubre ng pakay na iyong hinahanap. Malalathala sa kwadernong hawak mo ang magiging takbo ng kwento mo. At ang orasa ang magtatakda ng haba ng oras na iyong bubunuin.'

"Paano kung hindi ako pumayag?" panghahamon ko dito.

Naghintay akong may marinig na sagot ngunit nang wala ay para bang sinasabi nitong wala na akong magagawa kundi sundin ang utos Niya.

Lumipas ang gabing iyon na para akong hanging lumulutang sa ere – lutang sa mga pangyayaring naganap. Ang makausap Siya’y hindi ko inakala. At ang hamong iniwan Niya’y hindi ko basta-basta matalikdan. Isang hamong tiyak na magbibigay ng isang magandang aral.

***

HINDI pa man tuluyang sumisilay ang bukang liwayway ay mulat na ang aking mata’t gising na ang aking diwa. Hindi ko nagawang makatulog ng mahimbing sa iniwan Niyang mga salita. Inubos ko sa pagmuni-muni ang bawat oras na hindi pa sumisikat ang araw. Nanatili akong nakahiga’t nakipagtitigan sa kisame. Ngunit, isang pagka-antala ang nakapagpaputol dito.

Isa hanggang tatlong katok ang ingay na nanggaling sa pinto. Agad akong tumayo’t pinagbuksan kung sino man ang nasa likod niyon. Bumungad ang mukha ng aking inang may ngiti sa mga labi. Sa paraan ng pagkumpas ng mga kamay nito’y ipinarating nito ang isang pagbati.

“Magandang umaga, anak! Pasensiya na kung maaga kitang nagambala.”

Sumagot ako rito sa paraan ko ng pakikipag-usap, kinumpas ko rin ang aking mga kamay at sinabing. 

“Ayos lang po, Ma. Ano po ang kailangan ninyo?”

Iginiya niya ako paupo sa aking kama’t doo’y nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Ginagap niya ang aking kamay at hinaplos ang aking pisngi. Diretso akong tumingin sa mga mata niya’t nabanaag ko ang lungkot na bumalot dito, kasabay nito’y ang unti-unting pagbuo ng tubig na sumusungaw sa mga mata nito.

“Naaalala mo pa ba noong sinabi ko sa iyong gusto kitang ipasok sa isang rehabilitasyon na tumutulong sa mga tulad mo, anak? Kung saan makakasalamuha mo ang iba pa’t maaaring magkaroon ka ng maraming kaibigan. Gusto mong magkaroon ng mga kaibigan ‘di ba?” tumigil ito saglit at nagpakawala ng hangin.

“Anak, ayokong nakikita kitang mag-isa, malungkot, nakatingin sa kawalan, at tila nawawalan ng pag-asa. Gusto kong bumalik ka sa dati, ‘yong mga panahong masigla ka’t hindi alintana ang kapansanang mayroon ka.” basa ko sa bawat pagbuka ng kaniyang bibig.

Hinigpitan nito ang paggagap sa aking kamay at isa-isang tumulo ang luha sa kaniyang mga mata.

“Huwag mong panatilihing nakatikom ang iyong bibig. Hayaan mong kumawala ang mga salita dahil naririnig kita, anak. Naririnig kita sa kabila ng kawalan mo ng boses, naririnig ko ang bawat pagsusumamo’t unti-unti mong pagbitiw sa Kaniya. Kaya hayaan mong saluhin kita. Hayaan mong ipasok kita sa Kanlungan kung saan matatagpuan mo ang pangalawang tahanang iyong inaasam.”

Tuluyan na itong napahagulgol sa aking harap, marahas na rumagasa ang maalat na likidong dumausdos sa pisngi nito. Hindi ko maatim ang makita ito sa ganitong disposisyon kaya kasabay ng pagpapakita ng orasa at kwadernong nakapatong sa lamesang kaharap ko’y nagawa kong pumayag dito.

***

PINAGMASDAN ko ang malaking harang na pumapagitan sa akin at sa lugar na iyon: matayog at gawa sa bakal. Hindi ko alam kung sa kabila ng harang na iyon ay mahahanap ko ang pagbabalik ng pag-asa’t paniniwala sa Kaniya. Simula kasi noong ako’y lumaki’t magka-isip, sa tuwing makikipaglaro ako sa iba – sa normal na batang may kakayahang makapagsalita ay tila nagbago ang takbo ng aking buhay, matapos akong layuan at iwan ng mga naging kalaro ko noon. Palagi kasi nilang sinasabing ayaw nila akong kalaro dahil hindi nila akong magawang maka-kwentuhan, hindi nila maintindihan ang bawat pagkumpas ko ng kamay.

Kung kaya’t sa paglipas ng panahon ay pinili ko na lang magkulong sa bahay, ang maglaro mag-isa’t libangin ang sarili sa kung anu-anong bagay. Hanggang sa maramdaman ko ang pagka-inip, ang pagka-awa sa aking sarili. Sinubukan kong muli ang makihalubilo, ngunit katulad pa rin noon ay walang may gusto. Lihim akong umiyak, lihim kong kinaawaan ang aking sarili. Nalugmok ako sa depresyon, at minsa’y nasubukan ko pang kitlin ang buhay na mayroon ako.

Nakita ko ang walang tigil na pag-iyak ng aking mga magulang. Mabilis nila akong naitakbo matapos kong subukang maglaslas. Nang makita nila akong gising ay agad nila akong nilapitan. Mahigpit na hinawakan ng aking ina ang aking kamay at sa mga salitang inusal niya’y nagawa kong ipagpatuloy ang buhay.

“Ysobel, anak, bakit mo nagawa ang bagay na iyon? Bakit mo kailangan kit’lin ang iyong buhay? Alam mong masama iyon. Nandito naman kami ng iyong, Papa, kung kailangan mo ng kausap ay hinding-hindi kami magsasawa. ‘Wag kang magpadala sa iyong kapansanan, ‘wag mong hayaang kainin ka ng depresyon, ‘wag mong sirain ang iyong buhay… dahil tanging ang Maykapal lamang ang may karapatang gawin iyon. Siya lang ang may karapatang kuhanin ang buhay na hiram natin. At kaya ka niya binigyan ng buhay at pagsubok na ganiyan dahil alam niyang kaya mo, alam niyang malalabanan mo ang pagkalugmok.”

Ngunit, sa kabila niyon ay hindi pa rin maalis ang duda ko sa kakayahan Niya. Kaya ngayong nagparamdam Siya’y hindi ko magawang talikuran, dahil para sa akin gusto kong makita ang himalang aking hinahanap... sa tulong Niya.

Bumukas ang matayog na gate na gawa sa bakal, sinalubong kami ng isang matamis na ngiti ng isang matandang babaeng nakasuot ng abito.

"Mary!" tawag nito sa aking ina.

Mabilis na lumapit ang ina ko rito't yumakap ng mahigpit.

"Kamusta Sister Teresa?"

"Mabuti, mabuti. Siya na ba si Nazareth?"

Tumango ang aking ina at inilahad ang kamay sa akin. Lumapit ako sa kaniya't ginagap ko ang kamay niya.

"Naza, siya si Sister Teresa, ang ina ng Kanlungan."

Nanatiling tikom ang aking bibig. Nakatingin lamang ako sa kanila hanggang sa tila tumigil ang pagtakbo ng oras. Nakahinto ang kamay ni Sister Teresa na akmang aabutin ako habang ang ina kong nakangiti sa akin ay nasa ganoong posisyon. Ngunit, ang nakapagtataka'y ang isang lalaking nakatanaw sa malayo habang nakangiti sa akin.

Inihakbang ko ang aking mga paa’t unti-unti itong nilapitan ngunit bigla itong tumalikod at ikinumpas ang isang kamay.

"Alam kong ikaw iyan!" pasigaw kong saad.

Huminto ito at hindi na humarap pa, "Alam kong papayag ka, dahil alam kong sa loob-loob mo'y hindi mo mapigilan ang iyong sariling talikdan ang aking salita." napahinto ako't pinakinggan siya, 
"Salamat dahil hindi mo ako binigo."

Unti-unti’y nawala ang imahe niya at mabilis na tila uminog ang paligid. Nakabalik ako sa aking dating posisyon ng hindi humahakbang kung saan naroon na sa aking harap si Sister Teresa habang magkasalikop na ang aming mga kamay.

Mabilis ang naging takbo ng oras, sa bilis ng mga pangyayari’y tila lumabo ito sa aking paningin at isip. Ilang araw na ang nakaraan matapos akong iwan ng aking ina sa Kanlungan. Ilang araw na rin akong nanatiling mag-isa at lumalayo sa karamihan. Tila ba nasanay na akong mag-isa matapos kong matikman ang layuan.

Ngunit, sa kabila nito’y may isang taong pilit na dumidikit sa akin – si Alizee, isang dalagang may kakulangang makakita. Sa lahat ay siya ang pinaka-palakaibigan. Ang lahat sa kaniya’y tila kay gaan at makulay, kahit na nga ba sa kabila ng tanging dilim na bumabalot sa kaniyang paningin ay hindi niya ito ininda.

“Nazareth, kahit hindi ka sumagot at hindi kita maririnig sumagot alam kong nand’yan ka. Bulag lang ako pero mas triple pa rin ang lakas ng pakiramdam ko.” ang malakas na sigaw nito bago pa man makarating sa aking kinauupuan. “Ano, diyan ka na lang ba palagi habang naririto ka sa Kanlungan? Huy babae, madaming mas masayang gawin habang naririto ka kaysa sa magsintir ka sa buhay na mayroon ka.” ang dagdag na panenermon nito.

“Alizee, hayaan mo siya. Kung ayaw ng isang tao ‘wag mong pilitin. Sino ba ang malulugmok sa pagkakalubog, ikaw ba… tayo ba? ‘Diba siya naman?” singit ng isang lalaking nakaupo sa de-gulong na upuan. Sa tantiya ko sa itsura niya’y halos magkasing-edad lamang kami.

“Ayan ka na naman, Carlo. Pinaiiral mo na naman iyang kasungitan mo.” Saad nito.

Gamit ang cane ay muling humakbang si Alizee at lumapit sa kinaroroonan ko. Kinapa-kapa niya ang ulo ko pababa sa braso hanggang sa maabot ang palapulsuhan ko. Ginagap niya ito’t inakay ako, “Halika! Doon tayo sa Crafts and Creative Section tuturuan kitang gumawa ng parol.”

Imbes na ako ang umakay sa kaniya’y baliktad ang nangyari dahil hanggang sa makarating kami sa kwarto ng CCS ay siya ang gumabay sa akin. Pagkarating roon ay agad kaming dinaluhan ni Sister Ana na siyang punong-abala sa kwartong iyon. Doon nagtitipon-tipon ang karamihan na mahilig magbutingting, mapa babae man o lalaki.

Pinaupo niya kami sa dulong bahagi ng kwarto kung saan naroon ang bakanteng silya. Binigyan niya kami ng mga gamit at doo’y nagsimula akong turuan ni Alizee. Detalyado kung siya’y mag-utos; masinsin at maayos kung siya’y gumawa. Alam niya ang bawat proseso sa paggawa ng parol gamit ang mga recycled straw. Hindi ko tuloy mapigilan ang pagmasdan siya. Kung kumilos siya’y tila isang normal na taong nakakakita. Hindi kakikitaan ng reklamo sa tadhanang kinasadlakan. Ilang saglit di’y nakagawa ako ng aking sariling obra. Nakakatuwa at nakakaaliw dahil kahit papaano’y naibsan ang aking pag-iisip.

Sa bawat pagmasid ko sa paligid ay hindi mapigilang sumagi sa isip ko ang realisasyong unti-unting pumapasok sa maliit na kukote ko. Sa bawat paglandas ng mata ko sa mga taong naririto’y hindi ko mapigilan ang mainis sa aking sarili. Ang daming katulad ko ang naririto sa tahanang ito ngunit hindi ko nakitaan ng lungkot at pagkalugmok. Sa araw-araw ay tila namuhay sila ng masaya at walang sama ng loob sa buhay na mayroon sila, bagkus, ay tila nakakita sila ng isang pamilyang nagbubuklod ng mga tulad naming may kakulangan. Ang mga ngiti nila’y tunay at hindi na kailangang pilitin pa, kaya pati ako’y hindi mapigilang mahawaan ng kanilang mga tunay na ngiti.

Sa pagkakataong iyon ay tila nakita ko na ang himalang aking hinahanap – himalang sa mga tao sa Kanlungan ko nahanap. Hindi man literal na sagot sa kakulangan ang himalang nangyari sa amin… sa kanila kundi, ang himalang siyang pumuno sa aming kakulangan, tulad ng Kanlungan na siyang kumupkop at umaruga sa mga tulad naming may kapansanan. Ang pagkakaroon ng isang masaya at maayos na buhay na hindi batid kung ang isang tao’y may kakulangan ay siyang ring himalang bumuo sa pagkatao ng bawat isang naroroon. Isama pa ang pagtanggap at pagiging kontento sa kung anong mayroon ang bawat isa. At ang pinaka importante sa lahat ay ang pananalig at pagtitiwala sa Kaniya. Doon pa lang ay masasabi ko ng puno nang himala ang bawat isa kung tayo’y matutong pahalagaan ang bawat mayroon tayo. Na kahit minsa’y tila humuhulagpos tayo ng kapit sa Itaas ay binibigyan pa rin Niya tayo ng makakapitan.

Ang bawat buhay ay iba-iba. Ang bawat tao’y may kani-kaniyang pakay. Ang tadhana’y may dulot na mahika sa bawat isang taong tila nawawalan ng pag-asa. Sa pagbuhos ng buhangin ng orasa at sa bawat paglathata ng kwentong aking kinabibilangan ay maisusulat at maibabahagi ang magandang aral na siyang nagbago sa aking buhay – na ang bawat buhay ay mayroong himala kung ang taong kabilang dito’y naniniwala sa himala na ibibigay Niya.


Ang buhay ng bawat isa sa atin ay ang matinding himalang nangyari sa atin.



*****

Ang kuwentong ito'y opisyal kong lahok para sa http://www.sba.ph/


*****






 <a href="http://www.dmcihomes.com/" rel="nofollow" target="_blank"><img border="0" src="https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgNu5xkcguxABpI1io73qQBIh7V1r750AJb6Z3N5u2pjtS1YoVw2toqzJyxwktKqQyKAHyHT49dOP9zDVWXWQi0vAd_oz4oF5Rc5dhgDo1eC_hVCcpZXz7WUH1CrLOxx8FeJAWs_1WPHm4/s1600/dmci.jpg" /></a><a href="http://radyo.inquirer.net/" target="_blank"><img src="https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhb7KOvCO6xfQzPiBaqmS4l_4U4rzt51Cpu3af0CkXgylau0AYmv8l-zj-hpc9jxcrHVuFp1rx_1x8upwGwM6fACzGD1OQAelePHDzXem5LFv7d9xIBT7dz-ntUJtCTydKVf4Y1KDZnv4U/s1600/inquirer.jpg" /></a>  
 <a href="http://www.device.ph/" rel="nofollow" target="_blank"><img border="0" src="https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgK25tstPm31Dzxj-nA9HOFziKWf-Kop_zMPoYXKeptkFBP5_vOlb3ZVmaPCI78mSTR9F4_pAaQHXxZhrpJg6sZAFHLp2TC0Oo-7wrQPp1gSpTf6URzsJnrlci_ygZgiU9yuE2QQjM8L8k/s1600/devicephilippines.jpg" /></a><a href="http://www.thedailypedia.com/" rel="nofollow" target="_blank"><img border="0" src="https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgm5cqrHnMvlTX4JQJrzBnYNxcwiL0zuetkoOBonHZBIDuzOuEOpzx2DicK52B-Sp41tevfKUQrTJcBpuRtbicZ95mTX3kqSiSr84mQWkwPJ3MedE4XjjEKgJc6TZk9qpU9H_KOg7XzbrU/s1600/dailypedia.jpg" /></a><a href="http://www.lionheartv.net/" target="_blank"><img src="https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj02KVfa6kW2lRJyE9v1w1-FPIql3Vr8ZTkBV4r2LGCvFtga6a21fXOsqfNeF-P80G-oiCtp22CHbfR07WWskrPSN2B6ntemoP28Sjd0kCjL91QsDqeqfMiG2rRyFq-aQjBEOHRGlTI5Nc/s1600/lionheartv.jpg" /></a>  

Martes, Oktubre 4, 2016

Pugad Pag-asa



Nakasilip si Anita sa siwang ng bintanang gawa sa kahoy habang pinagmamasdan ang marahang pagpatak ng ulan sa malupang kalsada. Ang bawat tikatik ng ulan sa bubong ang siyang nagsilbing palatandaan ng pagkainip niya, marahan niya itong pinakikinggan habang inaabangan ang nagtitinda ng paborito niyang binatog – gawa sa basonghinog ng puting mais na may halong niyog na maaaring lagyan ng asukal o ‘di kaya ay asin, ayon sa iyong panlasa.

Mabilis na tumalima si Anita matapos marinig ang tunog na katulad ng pagkalembang ng kampana hudyat na naroon na si Mang Onor na siyang tindero ng paborito niyang minindal. Niyugyog niya ang inang natutulog sa sopang kawayan na siya namang nairita sa pagkagising. Pikit mata itong dumukot sa bulsa ng daster na suot na mabilis niyang inabot. Naka-antabay sa bukana ng kanilang pinto si Mang Onor na nakasuot ng kapote, pananggalang sa bawat tikatik ng ulang bumasa sa kalupaan ng Pugad Pag-asa.

Natakam at naglaway siya matapos makitang sumandok ng katamtamang laman ng binatog ang matandang tindero at tinaktakan nito iyon ng asukal at asin na siyang paborito niyang kombinasyon. Nagpasalamat siya matapos i-abot ang sampung pisong barya sa matanda.

May ngiti sa mga labing pumasok siya sa loob ng kanilang bahay kung saan gising na sa panahong iyon ang kaniyang inang nakabusangot na tiyak niyang nabwisit sa pang-aabala niya sa siesta nito.

Kumuha siya ng isang tasa, nilagyan niya iyon ng isang kutsaritang kape at asukal at maingat na sinalinan ng mainit na tubig galing sa termos. Dahan-dahan niya itong nilapag sa harap ng inang tila pupungay-pungay pa sa antok. Tumabi siya rito at dali-daling nilantakan ang binatog. Inalog-alog pa muna niya ito mula sa plastik upang kumapit at humalo ang lasa nito sa mais at niyog. Matapos ay nagsimula siyang butasin ang dulo ng plastik at piniga ito at saka inilagay sa bunganga. Ninamnam niya ang nag-aagaw na tamis at alat na siyang kumapit sa bawat mais at niyog na nakain niya.

Saktong pagka-ubos ng kinakain niya ng marinig ni Anita ang malakas na paghiyaw ni Tonio sa kaniyang pangalan. Dali-dali siyang sumungaw sa pinto at nakita niya ang matalik na kaibigan, suot-suot pa nito ang unipormeng pang-eskwela. Bakas ang pagod sa mukha at ang mga butil ng pawis na namuo sa noo nito.

Sa musmos na pag-iisip ni Anita ay malawak na ang kaalaman niya sa bagay-bagay. Maagang namulat ang murang isip niya sa realidad ng buhay na mayroon sila at ng mga tao sa paligid nila. Ang Pugad Pag-asa ang isa sa mahirap na bayan sa lugar nila. Malayo sa sibilisasyon kung saan ang kasaganaan sa buhay ay naroon. Napapaligiran ng likas na yaman, napapaikutan ng mga tahanang yari sa kahoy, lupa ang siyang kalsada, paglalakad ang transportasyon, pagtawid sa ilog ang paraan upang makapasok sa eskwela.

Maswerte pa nga ang kaibigan niyang si Tonio dahil kahit papaano ay nagagawa nitong makapasok sa eskwela samantalang siya napilitang tumigil sa pag-aaral dahil kapos sa pera ang pamilya nila. Pangatlo siya sa anim na magkakapatid. Panganay ang Ate Sylvia niya na maagang nakapangasawa dahil nabuntis ng nobyo nito sa edad na disi-siete. Ang kuya Baldo naman niya ay napilitang magtago sa ibang lugar matapos aksidenteng masaksak ang kaibigan nito isang gabi ng pag-iinuman. At, siya at ang dalawang nakababatang kapatid ay naiwan sa poder ng mga magulang. Ang itay niya ay pa-ekstra-ekstra lamang sa isang kontruksyon habang ang ina naman niya ay kumukuha ng laba at paminsan-minsan ay pamamalantsa.

“Aling Maria, magpapalaba po si inay sa inyo bukas.” Anunsiyo ni Tonio ng makalapit ito sa kanila.

“Sige, Tonio. Maaga kamo akong pupunta sa inyo bukas.” Ang sagot naman nito.

Lumabas sila ni Tonio matapos ng pag-uusap na iyon.

“Pumunta ka mamaya sa bahay, Anita, tuturuan kita ng mga bago kong natutunan.” Masayang saad ni Tonio sa kaniya.

Hindi magkamayaw ang saya sa puso ni Anita. Paano kasi, kahit papaano ay tila hindi siya nawalay sa pag-aaral. Nariyan ang kaibigan niyang si Tonio upang turuan siya; ang nagsilbing guro niya. Magkasing-edad sila ni Tonio at magkaklase sana sa taong iyon, ngunit, sa kasamaang palad ay nahinto siya sa pag-aaral. Masakit man para kay Anita ay tinanggap naman niya ang siyang kinahinatnan ng kaniyang buhay.

“Sige, pagkatapos ko sa gawaing bahay ay magtutungo ako sa inyo.” Ang sagot niya.

Nagpaalam sila sa isa’t isa at muling bumalik si Anita sa bahay. Naging magilas siya ng mga sumunod na oras, naiisip pa lamang niyang muli siyang may matututunan ay natataranta na siya.

Nagsimula na siyang magsalang ng sinaing sa kalan-de-uling, pagkatapos ay isinilong niya ang mga damit na nilabhan ng kaniyang ina. Habang binabatayan ang sinaing ay sinimulan na niyang tiklupin ang mga damit nila. At, habang abala siya rito ay nagsimula namang magluto ang kaniyang ina. Nakita niya ang sari-saring gulay na nakahantad sa lamesa, napangiti siya ng maisip na ang paborito niyang pakbet ang siyang iluluto ng kaniyang ina.

Matapos mailigpit ang mga damit na itiniklop ay nagpaalam siya sa kaniyang ina na magtutungo kila Tonio. Agad namang itong pumayag at sinabing umuwi bago maghapunan.

Masaya niyang binagtas ang daan patungo sa bahay nila Tonio. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim kung kaya’t binilisan na niya ang paglalakad. Pauwi na ang iba galing sa trabaho, binati siya ng mga kakilala at ganoon rin siya sa mga ito. Benteng bahay lamang ang agwat ng kanila Tonio, kaya bago pa man kumalat ang dilim sa kalangitan ay narating na niya ito.

Isa sa mga sementadong bahay ang kila Tonio, nasa abroad kasi ang ama nitong si Mang Ferdie kung kaya nagawa nitong mapa-ayos ang bahay. Ngunit, ilang taon lamang din ay nawala ang komunikasyon at wala na ring padala silang natatanggap kung kaya ay hubad na semento lang ang natapos.

Agad na sumalubong kay Anita ang nakababatang kapatid ni Tonio na si Sabel. Pinapasok siya nito at sumigaw para tawagin si Tonio. Mabilis naman itong lumabas ng kwarto dala-dala ang mga gagamitin nila sa pag-aaral samantalang siya ay may dalang isang lumang kwaderno, na siyang ini-recycle niya mula sa iba pang kwaderno. Kinuha niya ang ilang parte ng mga malinis at blangkong papel at saka sinulsi para magtagpi-tagpi.

Pumuwesto sila sa sala kung saan doon ay mayroong isang pabilog na lamesa. Inilatag ni Tonio ang mga libro at kwaderno na kaniyang ituturo kay Anita. Ang lahat ng natutunan ni Tonio sa loob ng eskwelahan ay agad naman niyang isinasalin kay Anita. Mabilis namang makuha ni Anita ang lahat dahil magaling at maayos magturo si Tonio at saka may utak rin siya pagdating sa akademiya. Taon-taon nga noong nag-aaral siya ay nakakasungkit siya ng medalya sa tuwing magtatapos ang taon ng pag-aaral. Tuwang-tuwa nga ang kaniyang mga magulang sa tuwing magkakamit siya ng tagumpay. Minsan nga ay napa-iyak pa ang mga ito matapos niyang masungkit ang unang karangalan.

Kaya nga ng mga panahong hindi siya magawang pag-aralin ng mga ito ay abot-abot ang paghingi ng tawad ng mga ito.

“Pasensiya na anak kung kailangan mo munang tumigil sa pag-aaral. Hindi na kasi namin kaya ng itay mong tustusan ang pag-aaral mo. Alam mo naman kung anong nangyari sa mga kapatid mo, nagkasunod-sunod ang problemang dumating sa atin. Hindi rin palagian ang trabaho ng iyong itay kaya ‘yong pang-aaral mo sana ay siyang gagamitin muna natin sa gastusin sa bahay. Hayaan mo, anak, kapag nakaluwag-luwag na tayo ay makakabalik ka rin sa eskwela.”

Naalala niyang sambit ng kaniyang ina noong malaman niyang hindi na muna siya makakapagpatuloy sa pag-aaral. Noong gabi ring iyon ay tahimik na lumuha ang batang si Anita. Gustong-gusto niya ang makatapos ng pag-aaral, gustong-gusto niya ang maiahon ang kaniyang pamilya sa hirap. Kaya nga ginagalingan niya sa eskwela dahil alam niyang ito ang magiging tulay o daan niya upang makamit ang inaasam. Ngunit, noong mga panahong iyo ay tila nawasak ang tulay na siyang daan niya sa pangarap. Nabali ito kung saan nalaglag siya sa kinasasadlakan.

“Ang galing mo talaga, Anita. Ang bilis mong makuha ang lahat. Sayang nga lamang at hindi mo nagawang makapasok ulit sa eskwela, e ‘di sanay ikaw na naman ang siyang nagunguna sa klase natin.” Ang saad ni Tonio matapos nilang mag-aral noong gabing iyon.

Nagpapahinga na sila kung kaya ay nagawa na nilang mag-huntahan.

Malungkot ang naging mukha ni Anita matapos marinig iyon ngunit sa tuwing iisipin niyang makabubuti para sa pamilya nila ang naging desisyon ng magulang ay hindi niya na lang magawang masaktan.

“Ayos lang, Tonio. Walang-wala talaga kaya kailangan munang tumigil, ang sabi naman ni inay ay kapag nakaluwag ay muli akong makakabalik sa eskwela. At saka nandiyan ka naman, ikaw ang pangalawang guro ko.” ang may himig biro niyang saad sa huling sinabi.

Natawa si Tonio at ginulo ang kaniyang buhok.

“Ikaw talaga, malaki na ang utang mo sa akin may bayad kaya ang bawat oras ng pagtuturo ko sa iyo.” hirit naman nito.

“Tiyaka na ang bayad dahil kapag yumaman na ako ay baka triplehin ko pa ang bayad ko sa iyo.” dagdag niya pa. “Pero, salamat Tonio at nandiyan ka. Kahit na hindi na ako pumapasok sa eskwela ay natututo pa rin ako dahil sa iyo.”

“Sus, itigil mo na nga iyang drama mo, Anita. ‘Di bagay sa iyo ang mag-drama. Sampung taon ka pa lang pero nangungulubot na ‘yang mukha mo sa stress.”

Napahawak siya sa mukha at tila ba kinapa ang balat. Hinuli ni Tonio ang kamay niya pagkatapos ay inilagay nito sa magkabilang gilid ng bibig at hinatak ito upang kumurba ang kaniyang labi.

“Hayan, mas bagay sa iyo ang nakangiti.”

At, noong mga oras ring iyon at napangiti siya.

“Tandaan mong nandito tayo sa Pugad Pag-asa kaya hinding-hindi mo dapat balewalain ang diwa ng lugar natin. ‘Wag kang mawalan ng pag-asa, Anita.”

Nagsilbing tanda kay Anita ang mga sinabi ni Tonio. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay hindi siya nawalan ng pag-asa. Ni minsan ay hindi niya magawang sumuko kahit na nga ba sa panahong may makakaharap silang problema. Sa murang edad ay pinilit niyang maging normal, nakikipaglaro sa mga batang kapitbahay nila, nag-aaral  kasama si Tonio, ngunit, ang takbo ng isip niya ay katulad na ng sa matanda. Masyado ng malawak, masyado ng maraming alam dulot na rin ng mga pangyayari sa kaniyang buhay. Nagsilbi itong hulmahan ng kaniyang paggulang.

Hanggang sa isang araw, dumating ang Tiya niya galing Maynila. Matandang dalaga ito at walang anak. Nagulat pa siya sa biglaang pagbisita nito.

Bihirang-bihira lamang kasing bumisita ang mga kaanak nila kaya naman ang pagbisita ng Tiya Meding niya ay isang sorpresa.

Inutusan siya ng kaniyang ina na umutang muna ng tinapay at softdrinks kay Aling Sedes na may-ari ng tindahan kalapit nila. Ito ang takbuhan nila sa tuwing nanganganib sa pagdulas sa palad ang perang kinikita ng mga magulang niya.

Mabilis siyang bumalik dala ang mga ito, naghuhuntahan na ang mga ito ng ihain niya ang pagkain. Sabado, noong araw na iyon kaya mahaba-haba ang oras na sila ay makakapag-aral ni Tonio. Dala ang kwaderno at bolpen ay akma sanang lalabas na ng bahay si Anita ng pigilin siya ng kaniyang inay. Inutusan siya nitong i-ayos ang kaniyang mga gamit. Naestatwa siya sa pagtayo at may kung anong bumundol na kaba sa kaniyang dibdib. Hindi siya agad nakagalaw, tinawag pa muli siya ng kaniyang inay bago siya nakakilos. Tumalima siya sa utos nito kahit na nga ba kinakain ng pag-iisip ang isip niya. Ayaw niya ng pumapasok na ideya sa utak niya. Hindi siya handa. Ayaw niya.

Kinuha niya ang lumang bag na ginagamit niya noon sa eskwela, unti-unti niyang inilagay roon ang kaniyang gamit. Habang ang isip niya ay lumilipad sa kung saan. Iniisip kung ano ba talagang sadya ng Tiya Meding niya, kung bakit biglaan ang pagpunta nito rito. Ayaw niya sa mga nahihinuhang ideya. Paulit-ulit niyang nililimi ang sitwasyon ngunit bumabagsak ito sa iisang ideya lamang.
Alam na niya ang nangyayari, alam na niya ang mangyayari. Ayaw lamang niyang tanggapin. Ayaw niyang ipasok sa isip niya ang kahihinatnan at kasasadlakan niya. Hindi siya handang iwan ang inay at itay niya, ang dalawang kapatid niya, si Tonio, ang paborito niyang binatog, at ang Pugad Pag-asa. Pero, wala na siyang magagawa. Ito ang nakatadhana. Dito siya dinala ng baling tulay na nilakaran niya. Dito siya dinala ng agos ng buhay. Wala siyang magawa dahil sa murang edad niya tanging pag-iyak lamang ang karamay niya.

Narinig niya na ang pagsigaw ng kaniyang inay. Inuutusan na siya nitong bumaba. Mabilis niyang pinahid ang mga luhang tumulo sa pisngi niya. Halos ayaw niyang ihakbang ang mga paa palabas ng kwarto niya ngunit, kailangan.

“Anak!” ang tawag ng inay niya.

Lumapit siya rito habang nababanaag niya sa mga mata nito ang lungkot at ang unti-unting pagbuo ng mga tubig sa mata nito. Ramdam niya ang sakit sa damdamin ng kaniyang inay, kitang-kita niya ang nilalaman ng isip nito.

“Anak, ang Tiya Meding mo. Naaalala mo pa ba siya?” saad nito.

Marahan lamang siyang tumango bilang tugon at muli ay narinig niya ang mga sinabi nito sa kaniya.

“Sa kaniya ka muna titira, anak. Siya muna ang magiging magulang mo. Papaaralin ka niya sa susunod na taon, anak. ‘Diba gusto mong makapagtapos? Pangarap mo iyon… pangarap natin iyo, ‘diba?”

Tango lamang muli ang isinagot niya sa ina. Naramdaman niya ang mahigpit na yakap nito na siyang nakapaglabas ng mga luhang kanina pa niya pinipigilan.

“Sumama sa kaniya, anak. Mabibigyan ka ng Tiya mo ng magandang kinabukasan. Matutupad mo na ang mga pangarap mo. Galingan mo, anak! Alam kong magtatagumpay ka.”

Umalingawngaw sa kaniyang pandinig ang bawat salitang sinaad ng kaniyang ina. Sumama siya sa kaniyang Tiya Meding. Inihakbang niya ang kaniyang mga paa palabas ng Pugad Pag-asa. Inihakbang niya palayo ang mga paa sa kaibigang si Tonio. Iniwan niya ang kaniyang pamilya.

Ngunit, sa mga panahong iyon ay inilakad niya pasulong ang mga paa sa tunay na pag-asa. Sa tamang panahon ay babalikan niya ang kaibigan, babalikan niya ang kaniyang pamilya. At, sa pagkakataong iyon tiyak ay maiaahon na niya ang mga ito sa hirap. Magsusumikap siya para makamit ang inaasam. Para sa pangarap niya… para sa pangarap niya sa kaniyang pamilya.
Masakit man ang malayo sa mahal sa buhay at sa mga nakasanayan, ngunit, kung para sa pag-abot ng pangarap ay gagawin niya ang lahat.

Isasadiwa niya ang kahulugan ng Pugad Pag-asa, ang naging tahanan niya sa pagkakaroon ng pag-asa sa buhay. Sa tulong ng mga naranasan niya sa lugar na ito at sa tulong ng mga taong naging parte ng pagkatao niya rito ay naka-ani siya ng malaking tiyansa ng pag-asa. Hindi na lamang makukulong sa Pugad Pag-asa ang hinihiling niyang pag-asa, lilipad na ito at dadalhin siya sa lugar kung saan makakamtam niya ang inaasam. Hindi niya hahayaan ang tiyansang ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina, gagawin niya itong inspirasyon sa lahat ng dagok sa kaniyang buhay. Hindi niya hahayaan makawala ito sa kaniyang palad dahil kahit anong bigat nito ay hindi niya papakawalan. Hindi niya hahayaang mapatid ang pisi patungo sa pangarap. Hindi niya sasayangin ang pagkakataong ibinigay.

“Ako ang gagawa ng aking tadhana. Ako ang magpapatakbo ng aking buhay. Sa tulong ng mga taong nagbigay pag-asa, ako ay gagawa ng isang tagumpay. Paalam sa ngayon Pugad Pag-asa, babalik ako at kayo ang bibigyan ko ng tunay na pag-asa."




#AuditionEntry
#AStoryToTellWritingContest
#Top20Finalist

Biyernes, Agosto 26, 2016

Susi


Pagal na ang katawan ko ngunit sa tuwing titigil ako’t makakarating sa isang lugar ay nakikita ko ang mga palatandaang aking iniwan. Pabalik-balik at paulit-ulit lamang ako ng tinatahak tila walang katapusan... walang labasan.

Ilang beses kong sinubukang makawala; ang mahanap ang labasan pero tila pinaglalaruan ako. Sa huli’y, pinaikot-ikot lamang ako’t ibabagsak din pala sa kung saan ako nanggaling.
Kusang bumigay ang mga binti ko sa pagod at balewalang napahiga.

Mahiwaga’t may hatid na katatakutan ang lugar. Punong-puno ng tumpok na mga butong nagmistulang palamuti sa pader, mga bulto ng butong tila gawa sa sining sa sinsin ng pagkakagawa nito sa iba’t ibang korte at posisyon.

Nagmistula itong tirahan ng mga patay, kaibahan nga lamang ay ang hiwagang nakapalibot rito.

“Ano ang lugar na ito?”

Sa pagod ay naramdaman ko ang pagbigay ng talukap ng mga mata ko’t dinala ako nito sa pagtulog.

Nagising ako sa alingawngaw ng isang sigaw. Napatayo akong bigla at agad na nilinga ang paligid ngunit wala akong nakita.

Isang boses lamang – ito na kaya ang magiging susi sa aking paglabas?
Paulit-ulit akong sumigaw baka sakaling naroon pa ito’t marinig ako. Ngunit, halos mapaos na ako’y wala man lang naging tugon.

“Nasaan ba talaga ako?”

Ilang sandali’y napagdesisyonan ko ang muling sumubok. Tumayo ako’t nagsimulang maglakad, nilandas ko ang makitid na daan at doo’y nagtuloy-tuloy hanggang sa makita kong muli ang bakal na hagdang nakadikit sa pader.

“Hayaan Ninyo po akong tahakin ang tamang daan.” ang piping dasal ko.

Isinampa ko ang aking paa’t nagsimulang akyatin ito. Hindi ko alam kung gaano ito kahaba hanggang sa maramdaman ko ang pagngalay ng aking binti’t kamay dahil sa tila walang hanggang hagdang ito. Napausal ako ng pasasalamat ng marating ang tuktok at makakitang muli ng patag na daan.

Isang malawak na solar ang tumambad sa akin, ang kaibahan lang sa lugar na pinanggalingan ko kanina’y ang bandalismo sa pader. Lumapit ako rito’t napansin ang pare-parehong mensaheng nakasulat.

“You are the master of your fate; you are the captain of your soul.”

Nagulat ako ng marinig muli ang boses na iyon, tila binasa nito para sa akin ang mga katagang iyon.

“Nasaan ka?  Magpakita ka sa akin! Tulungan mo ako!”

Paulit-ulit ko itong sinigaw ngunit walang naging tugon, imbes ay nagpakita ang isang bolang apoy sa gitna ng kinaroroonan ko.

“Sundan mo ang liwanag, hayaan mong gabayan ka niya sa iyong patutunguhan.”

Nagsimulang gumalaw ang bolang apoy na nakalutang sa hangin, tumalima ako rito’t nagpatianod lamang sa daang binabagtas nito. Sinuong namin ang madilim na lagusan at ito ang nagsilbing liwanag.

Balot ng kababalaghan, kaba’t takot ang aking nararamdaman. Banyaga ang lahat sa akin mula sa lugar at sa misteryong nakapalibot dito. Ang nagbibigay lakas ng loob sa aki’y ang pag-asang makakalabas ako sa lugar na ito.

“Dalhin mo ako sa tamang daan at hayaan mo na akong makawala.”

Tila nawawala sa sariling kausap ko sa bolang apoy, ngunit, nagulantang ako ng tumigil ito’t makarinig ako ng pagtugon mula rito gamit ang maliit at matinis na boses, “Ikaw lamang ang makakasagot niyan. Tandaan mong ikaw ang may hawak ng iyong tadhana’t ikaw ang namumuno sa iyong kaluluwa.”

Namagitan ang katahimikan. Hindi na ako muling nakapagsalita’t napaisip na lamang sa sinaad nito.

Nasa akin ang sagot, nasa akin kung paano akong makakawala sa lugar na ito.

“Narito na tayo,” tumigil siya’t pinakinggan ko ulit. “Muli, ikaw ang susi.” Nag-iwan muli siya ng isang palaisipan sa aking isipan.

Muling nagpakita sa akin ang tumpok-tumpok na mga buto. Naroon na naman ang mga nakakamanghang sining na gawa sa mga ito. Sa pagkakataong iyo’y muli akong dinala ng misteryo ng lugar na iyon sa pag-iisip habang pinagmamasdan ang dalawang pinto.

“Pumili lamang ng isa. Tamang daan upang makawala’t makalaya o maling daan upang manatili’t makulong habambuhay. Maging matalino sa pagpili. Alin, alin, ang iyong pipiliin?”
Tila laro ang kinasasadlakan ko’t ang boses na iyon ang nagdidikta sa takbo nito. Ang nagbibigay ng pagsubok at sumusubok sa aking kakayahan.

Dahan-dahan kong pinihit ang seradura ng kaliwang pinto. Magtitiwala ako sa aking sarili dahil ako ang gagawa ng sarili kong paglalakbay.

Dilim ang sumalubong sa akin habang dahan-dahan kong inihakbang ang aking mga paa. Malakas ang pagtibok ng aking puso hanggang sa maramdaman ko ang pagkahulog ko sa madilim na lugar na iyon. Ipinikit ko ang aking mga mata’t naisambit sa isip ang, “Tiwala ako sa aking sarili.”

Lumagapak ako sa isang lugar at tumambad sa akin ang liwanag. Pamilyar ang lahat, ang mga taong naroon at ang mga kagamitan. Ang pamilya ko’t ang aming tirahan. Tumakbo ako upang salubungin ang aking ina ngunit ang mga buto ang aking nayakap kaya agad akong napaalis rito.

“Isang pantasya’t ilusyon ngunit kapag nalagpasan mo ang pagsubok ay makakasama mo ng muli sila.”

“Anong pagsubok?”

Nagbagong muli ang anyo ng lugar, sa pagkakataong iyo’y nakita ko ang aking kapatid habang naglalaro. Pinapanood ko siya nang biglang sumulpot ang isang kakaibang nilalang. Itsurang taong may dalawang mukha ngunit ang balat ay tila sa isang ahas. Hawak-hawak ang isang pana habang diretsong nakatutok sa aking kapatid. Napansin nito ang aking presensiya’t habang nakangisi’t nakatingin sa aki’y pinakawalan nito ang palaso. Walang pag-aalinlangan akong tumakbo patungo sa direksyon ng aking kapatid, iniharang ko ang aking sarili’t sinalo ang palasong diretsong nagtungo sa aking puso.

Dahan-dahan, unti-unti nilamon ng kadiliman ang aking paningin.

Nagising ako sa malakas na palakpak na aking narinig at sa matagumpay na halakhak na umalingawngaw sa buong paligid. Nakabalik muli sa dating anyo nito ang lugar.

“Magaling! Binabati ko ang pagkakaroon mo ng tapang na suungin ang kritikal na pagsubok. Nadama ko ang damdaming umantig sa aking puso, ang pagmamahal na mayroon ka sa isang tao. Hindi ka sumuko’t nawala ng pag-asang makakawala sa lugar na ito. Nandoon ang tibay ng loob kaya naman sa buong pagsubok sa paglalakbay na ito’y ika’y nagtagumpay. Nakapasa ka dahil sa tiwala mo sa iyong sarili. Muli mong sundan ang bolang apoy at ika’y ihahatid nito sa tamang daan.”

Nagsimula muli kaming maglakad hanggang sa marating namin ang isang yungib, doo’y huminto siya’t muling nagsalita, “Ito ang tanging labasan upang muli kang makabalik sa iyong katawan. Isa ka sa mga ligaw na kaluluwang kumawala sa kanilang katawan matapos makaharap ang isang aksidente. At matapos mong matagumpay na suungin ang pagsubok sa kagustuhan mong mabuhay ay ito ang iyong pagka-panalo. Ihakbang mo na ang iyong mga paa palabas at magsisimula ng magpantay ang liwanag at dilim at kapag nangyari iyon ay agad kang bumalik sa iyong katawan dahil kapag hindi mo nagawa ito’y mananatili kang nakakulong sa mahiwagang lugar na ito katulad ng mga naririto.”

Inihakbang ko na ang aking paa palabas at doo’y nakita ko ang pinangyarihan ng lahat. Muli akong lumingon sa bolang apoy at tinanong siya, “Ano ang lugar na ito?”

Hindi siya sumagot at unti-unting lumayo, tinignan ko ang paligid at sa itaas ng yungib na iyo’y nakita ko ang mga naka-ukit na letrang, “Parisian Catacombs.”

Unti-unti ng sinasakop ng liwanag at dilim ang isa’t-isa kaya agad akong tumakbo’t hinahanap ang aking katawan. Sa hindi kalayua’y nakita ko ito, agad akong napangiti’t tumakbo patungo roon at bago pa man matapos magpantay ang dalawa’y agad kong ipinuwesto ang kaluluwa ko’t unti-unti kong naramdaman ang pag-iisa nito sa katawan ko.




#LiteraryOutbreakSeason2
#Phase2
#TeamSmeagol
#ContestEntry

Linggo, Hulyo 24, 2016

Ang Paglalayag



Pinili kong itarak ang pluma sa malinis at maputing papel na ngayo'y unti-unting minamantsahan ng tintang bumubuo ng mga salitang nais kong ialay sa iyo.

At sa pagsisimula ng kathang ito'y nais kong malaman mong ang bawat letrang itinatak ko rito'y produkto ng malikot na isip na punong-puno ng mga katagang gusto kong iusal sa iyo.

Nag-uumpisa na ang daluyong; nagsisimula ng humampas ang galit na galit na alon. Ngunit, sinuong ko ang nagngangalit na tubig, hindi ko alintana ang maaaring mangyari. Sa bawat paggalaw ng bangkang sinasakyan ko'y unti-unting rumerehistro ang imahe mo.

Bakit nga ba nagpupumilit ako? Bakit nga ba walang takot kong inialay ang buhay ko?

Isa lamang ang alam kong sagot walang iba kundi ang pag-ibig mo.

Matamis na pag-ibig, 'yan ang inialay mo sa akin. Hindi ko maipaliwanag ang aking damdamin noong itinuran mo ito sa akin. Mabilis ang pagtambol ng puso ko kasabay ng kakaibang silakbo ng damdaming namuo.

Heto na! Heto na!

Unti-unti ang pagpayapa ng kaninang naninibughong tubig habang tila idinuduyan na lamang ako ng mahina't mabining alon.

Nararamdaman ko na ang pagbabago ng takbo. Mabilis ang pagbuklat ng pahina ng araw, unti-unting nabubuo ang bawat kabanata. Ang mga eksena'y walang kasing saya na tila nabubuhay ako sa pantasya.

Kakaiba.

Mahikal.

Unti-unting tinatabunan ng maputing ulap ang kanina'y madilim na kalangitan. Dahan-dahang sumisilay ang sinag ni haring araw. Nakikita ko na ang aking kahahantungan.... ang dulo ng walang kasing sayang paglalakbay. Ang makita kang naghihintay ay ang destinasyong aking inaasam.

Martes, Hulyo 5, 2016

Mga Bangkang Papel




Pareho nating pinanood kung paanong tangayin ng pagragasa ng tubig ang mga bangkang papel na pinaglalaruan natin. Tumakbo tayo at sinundan ang pagsabay nito sa agos. Maya-maya ay nakita nating pareho ang paglubog ng kulay lilang bangkang papel habang patuloy naman na tinatangay ang kulay rosas nito.

Sa bawat kulay na indikasyon ng ating pagmamay-ari ay nalaman natin kung sino ang nanalo sa karerang iyon.

Ikaw – na noon pa man ay magaling na sa lahat ng bagay. Ikaw na tila kakabit ang swerte sa katawan.

Samantalang ako, heto at naiwang nakalubog; umaasang makakaahon at humihiling na lubayan ng malas.
Pareho ang ating antas ngunit ang tingin ko sa iyo ay napakataas. Kailangang ko pang tumingala upang makita ang ating pagkakaiba. Sa ating dalawa, ikaw ang langit at ako ang lupa. Tinitingala ka habang ako naman ay tinatapak-tapakan. Nasa itaas ka habang ako ay nasa ibaba. Nasa iyo ang papuri habang ako ay nanatiling nakamasid at pinauulanan ng pagkumpara. Kinaiinggitan ka nang marami samantalang ako ay kinukutya.

Bakit hindi ka tumulad sa kaniya?

Simula noon, tila nag-ugat ang bawat salitang itinanim nila sa akin na umusbong sa aking puso. Lumaki at lumago na kalauna’y nagbunga ng inggit, poot, sama ng loob at ultimo paghihiganti.

Ginagawa ko ang lahat upang makahabol sa iyo. Gumawa ako ng paraan upang mapantayan ka. At mas lalong ginawa ko ang lahat upang malagpasan ka kung saan ay nakaahon ako mula sa pagkakalubog ko.

Sa muling pag-agos ng bangkang papel ko ay dinaanan lamang kita, tinignan ng may pagmamalaki, tinawanan ng may pang-iinis, nilagpasan at hindi na muling nilingon pa.

Alam kong naagaw ko na ang korona sa iyo. Alam kong nakuha ko na ang lahat ng matang noon ay nakatingin sa iyo. Alam kong nakatuon na sa akin ang buong atensyon. Alam kong ngayon ay ako na ang pinupuri at ikaw na lamang ang nakamasid at tinatanong nila.

Anong nangyari sa iyo?

Sa likod ng entabladong iyon ay hindi ko napigilan ang magpakawala ng isang matagumpay na halaklak habang nakita ko kung paano ka pagalitan ng dating paborito kang gawing bida. Suot-suot ang damit pangkasambahay ay tila hirap na hirap kang intindihan ang nais niyang mangyari.

Napailing siyang muli dahil sa ikalimang pagkakataon ay hindi mo nagawa ang gusto niyang maging kalabasan ng pag-arte mo. Natanaw niya ako habang nakasilip sa telon, kinumpas niya ang isang kamay upang palapitin ako. Agad akong nagtungo sa kinaroroonan ninyo at pinasubukan niyang i-arte ko ang nais niyang makita sa iyo.

Sinunod ko siya at muling ipinamalas ang aking galing. Buong puso kong nilagyan ng damdamin ang bawat salitang namumutawi sa aking bibig.

“Umagos ang tubig at tinangay tayo ngunit sa lakas nang ragasa nito isa sa atin ang lumubog at nalunod samantalang ang isa’y naligtas at nakaahon.”

Nasa harap ka habang binibigkas ko ang dayalogong iyon, titig na titig ka sa akin habang ako nama’y tila isang punyal na itinatarak sa dibdib mo ang bawat salita. May diin kong sinambit at may damdaming pinaghuhugutan.

Narinig mo ba ang nais kong iparating?

Nabali ang ating tinginan nang marinig ko ang pagpalakpak at namutawi niyang papuri, “Mahusay! ‘Yan ang arteng nais kong makita. May damdamin at puno ng sinseridad.”

Nabanaag ko ang lungkot sa iyong mata at ang namumuong tubig dito. Isang matagumpay na ngiti ang ipinamalas ko hanggang sa nakita ko ang pagtulo ng luha sa pisngi mo. Napangisi ako sa iyo habang pinapahid mo ang mga maalat na likidong gumagapang sa balat mo.

Patuloy kong ipapamalas sa iyo ang lahat ng tagumpay ko.

Naging maayos ang pagtatanghal kung saan muli kong nakamit ang tagumpay. Ang bawat hiyaw sa aking pangalan ay nakatataba ng puso. Ang bawat palakpak ay nakabibingi ngunit nakakatuwa.

Pagkababa ng entablado ay agad ko siyang nakita, may bitbit na isang pumpon ng bulaklak. Dali-dali kong inihakbang ang aking mga paa upang salubungin siya ngunit naunahan ako ng isang pamilyar na bulto na agad itong sinalubong ng yakap.


Nadurog ang puso ko sa eksenang iyon. Naramdaman ko ang pagbuo ng luha sa mata ko at ng mga realisasyon sa isip ko.

Inggit? Naroon pa rin ito sa puso ko. Hindi ito nagawang tabunan ng lahat ng ginawa at nagawa ko. Higanti? Ito ang nangyari. Hindi ako lumaban ng patas. Tinapakan at sinagasaan ko na lang basta ang lahat. Tagumpay? Hindi ko ito nakamit. Hindi ko nagawang palayain ang poot at galit na tumanim sa akin. Imbes na ito’y pigilan ko lalo ko itong pinayabong sa puso ko.

Kaya, heto hanggang sa huli, sa larangan ng galing at pag-ibig ay ako pa rin talo.

Nakita ko ang pagpunta nila sa akin, magkahawak-kamay at nakangiti. Pinahid ko ang luha sa aking pisngi at nagsimulang ikurba ang labi sa isang ngiti.

“Congratulations! Natutuwa kaming naabot mo na ang iyong pangarap, ang iyong tagumpay. Sana ay magtuloy-tuloy ito at tandaan mong nandito lang kaming mga kaibigan mo nakasuporta sa iyo.” sinserong saad niya.

Bakit ganoon? Sa lahat ng ginawa ko sa kaniya’y ni wala akong nakitang poot at galit . Walang hinanakit na bakas ng aking mga ginawa tila hindi siya nasugatan , walang marka ng peklat ang pagkatao niya. Malayang-malaya. Malinis ang kalooban.

Samantalang ako, kinain ng poot, galit, at hinanakit puno ng marka ng peklat ang aking pagkatao. Nakakulong sa pighati at paghihiganti. Marumi kong mag-isip.

Papalayo na ang imahe nila ng maalala ko ang katagang nagmarka sa akin habang kami’y naglalaro ng bangkang papel noon, “Ang kalayaan ay makakamit kung ang isang puso ay busilak.”

Mabilis na naubos ang tao, naiwan ang katahimikan habang papalabas ako sa lugar na iyon. Tumigil ako saglit at naramdaman ko ang pag-ihip ng hangin, kasabay niyon ay pinalipad ko ang lahat ng masamang bagay na nanahan sa kalooban ko. Hinayaan kong tangayin ang mga negatibong damdaming nagkubli rito. 
Naramdaman ko ang paggaan ng aking pakiramdaman, tila ako isang ibong nakawala sa hawla matapos kong palayain ang lahat ng sakit, galit, at hinanakit.

Tagumpay? Heto na yata ang tunay na tagumpay na nakamit ko, ang makalaya sa tila demonyong nagkubli sa loob ko.


***

Theme: Paglaya

#ContestEntry
#KalatasatKandilaPromotionsGroup