Linggo, Hulyo 24, 2016

Ang Paglalayag



Pinili kong itarak ang pluma sa malinis at maputing papel na ngayo'y unti-unting minamantsahan ng tintang bumubuo ng mga salitang nais kong ialay sa iyo.

At sa pagsisimula ng kathang ito'y nais kong malaman mong ang bawat letrang itinatak ko rito'y produkto ng malikot na isip na punong-puno ng mga katagang gusto kong iusal sa iyo.

Nag-uumpisa na ang daluyong; nagsisimula ng humampas ang galit na galit na alon. Ngunit, sinuong ko ang nagngangalit na tubig, hindi ko alintana ang maaaring mangyari. Sa bawat paggalaw ng bangkang sinasakyan ko'y unti-unting rumerehistro ang imahe mo.

Bakit nga ba nagpupumilit ako? Bakit nga ba walang takot kong inialay ang buhay ko?

Isa lamang ang alam kong sagot walang iba kundi ang pag-ibig mo.

Matamis na pag-ibig, 'yan ang inialay mo sa akin. Hindi ko maipaliwanag ang aking damdamin noong itinuran mo ito sa akin. Mabilis ang pagtambol ng puso ko kasabay ng kakaibang silakbo ng damdaming namuo.

Heto na! Heto na!

Unti-unti ang pagpayapa ng kaninang naninibughong tubig habang tila idinuduyan na lamang ako ng mahina't mabining alon.

Nararamdaman ko na ang pagbabago ng takbo. Mabilis ang pagbuklat ng pahina ng araw, unti-unting nabubuo ang bawat kabanata. Ang mga eksena'y walang kasing saya na tila nabubuhay ako sa pantasya.

Kakaiba.

Mahikal.

Unti-unting tinatabunan ng maputing ulap ang kanina'y madilim na kalangitan. Dahan-dahang sumisilay ang sinag ni haring araw. Nakikita ko na ang aking kahahantungan.... ang dulo ng walang kasing sayang paglalakbay. Ang makita kang naghihintay ay ang destinasyong aking inaasam.

Martes, Hulyo 5, 2016

Mga Bangkang Papel




Pareho nating pinanood kung paanong tangayin ng pagragasa ng tubig ang mga bangkang papel na pinaglalaruan natin. Tumakbo tayo at sinundan ang pagsabay nito sa agos. Maya-maya ay nakita nating pareho ang paglubog ng kulay lilang bangkang papel habang patuloy naman na tinatangay ang kulay rosas nito.

Sa bawat kulay na indikasyon ng ating pagmamay-ari ay nalaman natin kung sino ang nanalo sa karerang iyon.

Ikaw – na noon pa man ay magaling na sa lahat ng bagay. Ikaw na tila kakabit ang swerte sa katawan.

Samantalang ako, heto at naiwang nakalubog; umaasang makakaahon at humihiling na lubayan ng malas.
Pareho ang ating antas ngunit ang tingin ko sa iyo ay napakataas. Kailangang ko pang tumingala upang makita ang ating pagkakaiba. Sa ating dalawa, ikaw ang langit at ako ang lupa. Tinitingala ka habang ako naman ay tinatapak-tapakan. Nasa itaas ka habang ako ay nasa ibaba. Nasa iyo ang papuri habang ako ay nanatiling nakamasid at pinauulanan ng pagkumpara. Kinaiinggitan ka nang marami samantalang ako ay kinukutya.

Bakit hindi ka tumulad sa kaniya?

Simula noon, tila nag-ugat ang bawat salitang itinanim nila sa akin na umusbong sa aking puso. Lumaki at lumago na kalauna’y nagbunga ng inggit, poot, sama ng loob at ultimo paghihiganti.

Ginagawa ko ang lahat upang makahabol sa iyo. Gumawa ako ng paraan upang mapantayan ka. At mas lalong ginawa ko ang lahat upang malagpasan ka kung saan ay nakaahon ako mula sa pagkakalubog ko.

Sa muling pag-agos ng bangkang papel ko ay dinaanan lamang kita, tinignan ng may pagmamalaki, tinawanan ng may pang-iinis, nilagpasan at hindi na muling nilingon pa.

Alam kong naagaw ko na ang korona sa iyo. Alam kong nakuha ko na ang lahat ng matang noon ay nakatingin sa iyo. Alam kong nakatuon na sa akin ang buong atensyon. Alam kong ngayon ay ako na ang pinupuri at ikaw na lamang ang nakamasid at tinatanong nila.

Anong nangyari sa iyo?

Sa likod ng entabladong iyon ay hindi ko napigilan ang magpakawala ng isang matagumpay na halaklak habang nakita ko kung paano ka pagalitan ng dating paborito kang gawing bida. Suot-suot ang damit pangkasambahay ay tila hirap na hirap kang intindihan ang nais niyang mangyari.

Napailing siyang muli dahil sa ikalimang pagkakataon ay hindi mo nagawa ang gusto niyang maging kalabasan ng pag-arte mo. Natanaw niya ako habang nakasilip sa telon, kinumpas niya ang isang kamay upang palapitin ako. Agad akong nagtungo sa kinaroroonan ninyo at pinasubukan niyang i-arte ko ang nais niyang makita sa iyo.

Sinunod ko siya at muling ipinamalas ang aking galing. Buong puso kong nilagyan ng damdamin ang bawat salitang namumutawi sa aking bibig.

“Umagos ang tubig at tinangay tayo ngunit sa lakas nang ragasa nito isa sa atin ang lumubog at nalunod samantalang ang isa’y naligtas at nakaahon.”

Nasa harap ka habang binibigkas ko ang dayalogong iyon, titig na titig ka sa akin habang ako nama’y tila isang punyal na itinatarak sa dibdib mo ang bawat salita. May diin kong sinambit at may damdaming pinaghuhugutan.

Narinig mo ba ang nais kong iparating?

Nabali ang ating tinginan nang marinig ko ang pagpalakpak at namutawi niyang papuri, “Mahusay! ‘Yan ang arteng nais kong makita. May damdamin at puno ng sinseridad.”

Nabanaag ko ang lungkot sa iyong mata at ang namumuong tubig dito. Isang matagumpay na ngiti ang ipinamalas ko hanggang sa nakita ko ang pagtulo ng luha sa pisngi mo. Napangisi ako sa iyo habang pinapahid mo ang mga maalat na likidong gumagapang sa balat mo.

Patuloy kong ipapamalas sa iyo ang lahat ng tagumpay ko.

Naging maayos ang pagtatanghal kung saan muli kong nakamit ang tagumpay. Ang bawat hiyaw sa aking pangalan ay nakatataba ng puso. Ang bawat palakpak ay nakabibingi ngunit nakakatuwa.

Pagkababa ng entablado ay agad ko siyang nakita, may bitbit na isang pumpon ng bulaklak. Dali-dali kong inihakbang ang aking mga paa upang salubungin siya ngunit naunahan ako ng isang pamilyar na bulto na agad itong sinalubong ng yakap.


Nadurog ang puso ko sa eksenang iyon. Naramdaman ko ang pagbuo ng luha sa mata ko at ng mga realisasyon sa isip ko.

Inggit? Naroon pa rin ito sa puso ko. Hindi ito nagawang tabunan ng lahat ng ginawa at nagawa ko. Higanti? Ito ang nangyari. Hindi ako lumaban ng patas. Tinapakan at sinagasaan ko na lang basta ang lahat. Tagumpay? Hindi ko ito nakamit. Hindi ko nagawang palayain ang poot at galit na tumanim sa akin. Imbes na ito’y pigilan ko lalo ko itong pinayabong sa puso ko.

Kaya, heto hanggang sa huli, sa larangan ng galing at pag-ibig ay ako pa rin talo.

Nakita ko ang pagpunta nila sa akin, magkahawak-kamay at nakangiti. Pinahid ko ang luha sa aking pisngi at nagsimulang ikurba ang labi sa isang ngiti.

“Congratulations! Natutuwa kaming naabot mo na ang iyong pangarap, ang iyong tagumpay. Sana ay magtuloy-tuloy ito at tandaan mong nandito lang kaming mga kaibigan mo nakasuporta sa iyo.” sinserong saad niya.

Bakit ganoon? Sa lahat ng ginawa ko sa kaniya’y ni wala akong nakitang poot at galit . Walang hinanakit na bakas ng aking mga ginawa tila hindi siya nasugatan , walang marka ng peklat ang pagkatao niya. Malayang-malaya. Malinis ang kalooban.

Samantalang ako, kinain ng poot, galit, at hinanakit puno ng marka ng peklat ang aking pagkatao. Nakakulong sa pighati at paghihiganti. Marumi kong mag-isip.

Papalayo na ang imahe nila ng maalala ko ang katagang nagmarka sa akin habang kami’y naglalaro ng bangkang papel noon, “Ang kalayaan ay makakamit kung ang isang puso ay busilak.”

Mabilis na naubos ang tao, naiwan ang katahimikan habang papalabas ako sa lugar na iyon. Tumigil ako saglit at naramdaman ko ang pag-ihip ng hangin, kasabay niyon ay pinalipad ko ang lahat ng masamang bagay na nanahan sa kalooban ko. Hinayaan kong tangayin ang mga negatibong damdaming nagkubli rito. 
Naramdaman ko ang paggaan ng aking pakiramdaman, tila ako isang ibong nakawala sa hawla matapos kong palayain ang lahat ng sakit, galit, at hinanakit.

Tagumpay? Heto na yata ang tunay na tagumpay na nakamit ko, ang makalaya sa tila demonyong nagkubli sa loob ko.


***

Theme: Paglaya

#ContestEntry
#KalatasatKandilaPromotionsGroup