Lunes, Hunyo 27, 2016

Just a Dream



Kitang-kita ko ang imahe niya sa likod ng kakarampot na ilaw na tumatagos lamang sa malilit na siwang ng aking bintana. Sa hulma ng katawan nito ay isa itong lalaki na nakaupo sa isang bean bag malapit sa aking kama. Ilang beses kong ipinikit-buka ang mga mata ko sa pagkakataong iyon. Inalam ko base sa pigura kung sino siya ngunit hindi ko siya marekognisa dahil na rin sa dilim na bumalot doon.  Hindi ko na rin napigilan ang mapaisip hanggang sa maalala kong mag-isa nga lang pala ako sa bahay.

Hangos na hangos akong napamulat. Naramdaman ko ang lamig ng butil ng mga pawis na namuo sa aking noo. Tuyong-tuyo rin ang aking lalamunan at tila ba napaos ako sa matinding sigaw na ginawa ko sa aking panaginip.

Bakit tila hanggang ngayon ay ramdam na ramdam ko pa rin ang matinding titig na ginawa niya sa akin? Hindi ko tuloy mapigilan ang balingan ng tingin ang bean bag na siyang inupuan niya.

Bakante.

Walang tao.

Nanginig ang katawan ko at nagtaasan ang balahibo ko sa katotohanang iyon. Ngunit tila bakit mayroong isang presensiya ang naroon pa sa silid na iyon?

Itinigil ko na ang pag-iisip at pagbuo ng mga tanong sa aking isip bago pa kung ano-ano ang mabuong ideya rito. Agad akong bumangon at nagtungo sa banyo.

Pinagmasdan ko ang repleksiyon ko sa salamin at kitang-kita ko ang hapis kong mukha at ang tuyot kong balat. Lahat ay dulot ng aking karamdaman.
Kinuha ko ang isang botelya at nagtaktak ng isang pirasong gamot sa aking palad. Agad ko itong initsa sa aking bunganga at tuloy na nilunok.
Hindi ko mapigilan ang sarili kong pagmasdan. Sobrang kakaiba na sa dati kong itsura. Ilang taon na ang lumipas matapos ang pangyayaring iyon. Dito. Dito mismo sa bahay na ito. Hindi ko akalain. Hanggang ngayon ay nakamarka iyon sa isip ko.

Gabi na ngunit maalinsangan pa rin ang dulot ng init ng panahon. Kaya naman napagpasyahan ko ang tumambay sa balkonahe ng aking kwarto at doon ay magpalipas ng oras sa pagmasid ng bituin at buwan. Ngunit nabasag ang pagmumuni-muni kong iyon ng may marinig akong galabog sa labas ng kwarto. Kinabahan agad ako sa narinig at kahit na may takot sa dibdib ay dahan-dahan kong pinihit ang seradura ng pinto hanggang sa bumungad siya sa akin.

“Ayoko na Elisa, maghiwalay na tayo.”
Amoy na amoy ang alak na sumisingaw sa hininga niya ngunit hindi ko iyon pinansin at pinagtuunan ng pansin ang sinaad nito.

“Ayoko, Miguel!” ang may diin kong sabi.

“Hindi Elisa. Tama na. Ayoko na.”
Pumasok siya sa kwarto at nilagpasan ako. Binuksan niya ang drawer at kinuha ang mga gamit niya roon. At nang mailigpit niya ito’y muli akong nilagpasan at lumabas. Sumunod ako sa kaniya ngunit tinaboy niya lang ako.
Hanggang sa umalis siya at iwan akong luhaan.

Sa buwang ito, tuwing bakasyon ay bumabalik ako.

Nagbabaka-sakali.

Umaasa.

Hanggang sa hindi niya ako binigo at magpakita siyang muli ngunit sa panaginip na lamang.

Hanggang dito na lang.



#AuditionEntry
#YSSF
#TeamImba
#FlashFiction

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento