Biyernes, Agosto 26, 2016

Susi


Pagal na ang katawan ko ngunit sa tuwing titigil ako’t makakarating sa isang lugar ay nakikita ko ang mga palatandaang aking iniwan. Pabalik-balik at paulit-ulit lamang ako ng tinatahak tila walang katapusan... walang labasan.

Ilang beses kong sinubukang makawala; ang mahanap ang labasan pero tila pinaglalaruan ako. Sa huli’y, pinaikot-ikot lamang ako’t ibabagsak din pala sa kung saan ako nanggaling.
Kusang bumigay ang mga binti ko sa pagod at balewalang napahiga.

Mahiwaga’t may hatid na katatakutan ang lugar. Punong-puno ng tumpok na mga butong nagmistulang palamuti sa pader, mga bulto ng butong tila gawa sa sining sa sinsin ng pagkakagawa nito sa iba’t ibang korte at posisyon.

Nagmistula itong tirahan ng mga patay, kaibahan nga lamang ay ang hiwagang nakapalibot rito.

“Ano ang lugar na ito?”

Sa pagod ay naramdaman ko ang pagbigay ng talukap ng mga mata ko’t dinala ako nito sa pagtulog.

Nagising ako sa alingawngaw ng isang sigaw. Napatayo akong bigla at agad na nilinga ang paligid ngunit wala akong nakita.

Isang boses lamang – ito na kaya ang magiging susi sa aking paglabas?
Paulit-ulit akong sumigaw baka sakaling naroon pa ito’t marinig ako. Ngunit, halos mapaos na ako’y wala man lang naging tugon.

“Nasaan ba talaga ako?”

Ilang sandali’y napagdesisyonan ko ang muling sumubok. Tumayo ako’t nagsimulang maglakad, nilandas ko ang makitid na daan at doo’y nagtuloy-tuloy hanggang sa makita kong muli ang bakal na hagdang nakadikit sa pader.

“Hayaan Ninyo po akong tahakin ang tamang daan.” ang piping dasal ko.

Isinampa ko ang aking paa’t nagsimulang akyatin ito. Hindi ko alam kung gaano ito kahaba hanggang sa maramdaman ko ang pagngalay ng aking binti’t kamay dahil sa tila walang hanggang hagdang ito. Napausal ako ng pasasalamat ng marating ang tuktok at makakitang muli ng patag na daan.

Isang malawak na solar ang tumambad sa akin, ang kaibahan lang sa lugar na pinanggalingan ko kanina’y ang bandalismo sa pader. Lumapit ako rito’t napansin ang pare-parehong mensaheng nakasulat.

“You are the master of your fate; you are the captain of your soul.”

Nagulat ako ng marinig muli ang boses na iyon, tila binasa nito para sa akin ang mga katagang iyon.

“Nasaan ka?  Magpakita ka sa akin! Tulungan mo ako!”

Paulit-ulit ko itong sinigaw ngunit walang naging tugon, imbes ay nagpakita ang isang bolang apoy sa gitna ng kinaroroonan ko.

“Sundan mo ang liwanag, hayaan mong gabayan ka niya sa iyong patutunguhan.”

Nagsimulang gumalaw ang bolang apoy na nakalutang sa hangin, tumalima ako rito’t nagpatianod lamang sa daang binabagtas nito. Sinuong namin ang madilim na lagusan at ito ang nagsilbing liwanag.

Balot ng kababalaghan, kaba’t takot ang aking nararamdaman. Banyaga ang lahat sa akin mula sa lugar at sa misteryong nakapalibot dito. Ang nagbibigay lakas ng loob sa aki’y ang pag-asang makakalabas ako sa lugar na ito.

“Dalhin mo ako sa tamang daan at hayaan mo na akong makawala.”

Tila nawawala sa sariling kausap ko sa bolang apoy, ngunit, nagulantang ako ng tumigil ito’t makarinig ako ng pagtugon mula rito gamit ang maliit at matinis na boses, “Ikaw lamang ang makakasagot niyan. Tandaan mong ikaw ang may hawak ng iyong tadhana’t ikaw ang namumuno sa iyong kaluluwa.”

Namagitan ang katahimikan. Hindi na ako muling nakapagsalita’t napaisip na lamang sa sinaad nito.

Nasa akin ang sagot, nasa akin kung paano akong makakawala sa lugar na ito.

“Narito na tayo,” tumigil siya’t pinakinggan ko ulit. “Muli, ikaw ang susi.” Nag-iwan muli siya ng isang palaisipan sa aking isipan.

Muling nagpakita sa akin ang tumpok-tumpok na mga buto. Naroon na naman ang mga nakakamanghang sining na gawa sa mga ito. Sa pagkakataong iyo’y muli akong dinala ng misteryo ng lugar na iyon sa pag-iisip habang pinagmamasdan ang dalawang pinto.

“Pumili lamang ng isa. Tamang daan upang makawala’t makalaya o maling daan upang manatili’t makulong habambuhay. Maging matalino sa pagpili. Alin, alin, ang iyong pipiliin?”
Tila laro ang kinasasadlakan ko’t ang boses na iyon ang nagdidikta sa takbo nito. Ang nagbibigay ng pagsubok at sumusubok sa aking kakayahan.

Dahan-dahan kong pinihit ang seradura ng kaliwang pinto. Magtitiwala ako sa aking sarili dahil ako ang gagawa ng sarili kong paglalakbay.

Dilim ang sumalubong sa akin habang dahan-dahan kong inihakbang ang aking mga paa. Malakas ang pagtibok ng aking puso hanggang sa maramdaman ko ang pagkahulog ko sa madilim na lugar na iyon. Ipinikit ko ang aking mga mata’t naisambit sa isip ang, “Tiwala ako sa aking sarili.”

Lumagapak ako sa isang lugar at tumambad sa akin ang liwanag. Pamilyar ang lahat, ang mga taong naroon at ang mga kagamitan. Ang pamilya ko’t ang aming tirahan. Tumakbo ako upang salubungin ang aking ina ngunit ang mga buto ang aking nayakap kaya agad akong napaalis rito.

“Isang pantasya’t ilusyon ngunit kapag nalagpasan mo ang pagsubok ay makakasama mo ng muli sila.”

“Anong pagsubok?”

Nagbagong muli ang anyo ng lugar, sa pagkakataong iyo’y nakita ko ang aking kapatid habang naglalaro. Pinapanood ko siya nang biglang sumulpot ang isang kakaibang nilalang. Itsurang taong may dalawang mukha ngunit ang balat ay tila sa isang ahas. Hawak-hawak ang isang pana habang diretsong nakatutok sa aking kapatid. Napansin nito ang aking presensiya’t habang nakangisi’t nakatingin sa aki’y pinakawalan nito ang palaso. Walang pag-aalinlangan akong tumakbo patungo sa direksyon ng aking kapatid, iniharang ko ang aking sarili’t sinalo ang palasong diretsong nagtungo sa aking puso.

Dahan-dahan, unti-unti nilamon ng kadiliman ang aking paningin.

Nagising ako sa malakas na palakpak na aking narinig at sa matagumpay na halakhak na umalingawngaw sa buong paligid. Nakabalik muli sa dating anyo nito ang lugar.

“Magaling! Binabati ko ang pagkakaroon mo ng tapang na suungin ang kritikal na pagsubok. Nadama ko ang damdaming umantig sa aking puso, ang pagmamahal na mayroon ka sa isang tao. Hindi ka sumuko’t nawala ng pag-asang makakawala sa lugar na ito. Nandoon ang tibay ng loob kaya naman sa buong pagsubok sa paglalakbay na ito’y ika’y nagtagumpay. Nakapasa ka dahil sa tiwala mo sa iyong sarili. Muli mong sundan ang bolang apoy at ika’y ihahatid nito sa tamang daan.”

Nagsimula muli kaming maglakad hanggang sa marating namin ang isang yungib, doo’y huminto siya’t muling nagsalita, “Ito ang tanging labasan upang muli kang makabalik sa iyong katawan. Isa ka sa mga ligaw na kaluluwang kumawala sa kanilang katawan matapos makaharap ang isang aksidente. At matapos mong matagumpay na suungin ang pagsubok sa kagustuhan mong mabuhay ay ito ang iyong pagka-panalo. Ihakbang mo na ang iyong mga paa palabas at magsisimula ng magpantay ang liwanag at dilim at kapag nangyari iyon ay agad kang bumalik sa iyong katawan dahil kapag hindi mo nagawa ito’y mananatili kang nakakulong sa mahiwagang lugar na ito katulad ng mga naririto.”

Inihakbang ko na ang aking paa palabas at doo’y nakita ko ang pinangyarihan ng lahat. Muli akong lumingon sa bolang apoy at tinanong siya, “Ano ang lugar na ito?”

Hindi siya sumagot at unti-unting lumayo, tinignan ko ang paligid at sa itaas ng yungib na iyo’y nakita ko ang mga naka-ukit na letrang, “Parisian Catacombs.”

Unti-unti ng sinasakop ng liwanag at dilim ang isa’t-isa kaya agad akong tumakbo’t hinahanap ang aking katawan. Sa hindi kalayua’y nakita ko ito, agad akong napangiti’t tumakbo patungo roon at bago pa man matapos magpantay ang dalawa’y agad kong ipinuwesto ang kaluluwa ko’t unti-unti kong naramdaman ang pag-iisa nito sa katawan ko.




#LiteraryOutbreakSeason2
#Phase2
#TeamSmeagol
#ContestEntry