Hustisya!
NARINIG
mo ang salitang nagpabalikwas sa iyo sa iyong pagtulog. Isang masama at
nakaka-panghilakbot na bangungot. Nakita mong hanggang ngayon ay
nagsi-si-taasan pa rin ang iyong balahibo. Naihilamos mo ang iyong palad sa
pawis na pawis mong mukha; ang paghinga mo ay tila hinahabol ng kabayo sa isang
karera.
Ilang beses mo na nga
bang napanaginipan ang pangyayaring iyon at halos kabisado mo na nga ang bawat
eksenang nagpapakita roon. Isang babaeng may malabong mukha, nakasuot ng puting
bestida na unti-unti ay dinudungisan ng pulang mantsa. Hinahabol ito ng isang
lalaking walang mukha habang tangan ang isang matulis at nangingintab na bagay.
Papalapit nang papalapit ang mga ito hanggang sa marinig mo ang pagsigaw ng
babae na siyang laging gumigising sa iyo.
Mabigat ang pakiramdam
mo ng ikaw ay bumangon sa pagkakahiga, dumiretso ka sa banyong katapat ng iyong
higaan. Muntikan ka pang matalisod sa kurdon na nakakalat sa lapag kung kaya’t
hindi mo napigilan ang mapausal ng mahinang mura.
Umuupa ka lamang sa
isang maliit na kwarto. Ang mga gamit mo ay hindi ganoong karami ngunit siya
rin namang nagpapasikip ng lugar. Isang lumang telebisyon at radyo, bintilador,
isang plastik na drawer na siyang lagayan
ng iyong mga damit, isang monoblock
sa gilid ng kama at isang pabilog na kahoy na lamesa.
Mabilis kang naghilamos
at nagsepilyo pagkatapos ay kinuha mo ang pakete ng sigarilyong nakapatong sa
ibabaw ng telebisyon. Kumuha ka ng isa rito’t sinindihan iyon - ito ang
nagsilbing almusal mo. Malalim ang naging paghugot mo at ilang sandali ay
ibinuga mo ang usok na siyang bumalot sa loob ng kwarto.
Tinatlong hakbang mo
lamang ang bintana at binuksan iyon ng may marinig kang katok. Bumungad ang
mukha ng kaibigan mong si Intong at may sinabi ito, “Tol, mamayang alas-nuebe
sa eskinita malapit sa abandonadong lote tayo magkikita-kita.”
Isang marahang pagtango
ang isinagot mo, umalis na ang kaibigan mo’t nagsimula mong upusin ang
sigarilyong hinihithit mo.
Nang mag-alas onse y
medya ay lumabas ka upang bumili ng makakain. Lutong ulam at kanin ang siyang
nagiging pantawid-gutom mo sa araw-araw.
Sa daan ay nakasalubong
mo si Ligaya, ang panganay na anak ni Aling Delia na siyang may-ari ng
karinderyang binibilhan mo. Nagta-trabaho ito sa isang call center company sa Makati. Carbon
copy ito ng inang si Aling Delia, ang tindig at taglay nitong ganda ay
namana sa ina.
Matagal mo na itong
pinagmamasdan sa tuwing dumaraan sa maliit na eskinita ng inyong lugar. Ang
taglay nitong ganda ang tila nakapag-hipnotismo sa iyo sa tuwing ito ay iyong
makikita - para bang ito ay isang bato balani kung ikaw ay mahila.
“Magandang tanghali,
Ligaya!” ang magiliw mong bati rito ngunit isang irap lamang ang napala mong
sagot. “Ang aga-aga, ang sungit-sungit.” Ang segunda mo.
“Tigilan mo ako, Tonio,
sinisira mong palagi ang araw ko. Ngayon pa lamang uunahan na kita, hindi kita type at mas lalong hinding-hindi ako
magkakagusto sa isang tulad mo.” Pasinghal na sagot nito, ngunit, ang siyang
lalong sumira sa araw mo ay ang mahinang usal nito ng katagang, “Adik!”
Imbes na um-order ay
umalis ka sa harapan ng karinderya at habang palayo rito ay nahabol pa ng
pandinig mo ang pagtatalastasan ng mag-ina.
“Totoo
naman ang balitang siya ang mastermind sa nakawang naganap sa karatig na
subdibisyon.”
“Ano
ka ba naman Ligaya dahil diyan sa bunganga mo ay nabawasan ang kita natin
ngayong araw.”
“Ayos
lang ho iyan, inay, tiyak namang doble pa ang kapalit niyan. At saka gawa sa
marungis na trabaho ang perang ipangbibili niyan.”
Nagtangis ang mga
ngipin ni Tonio sa galit. Ang bawat paratang ng babaeng mahal niya ay tila
isang punyal na tumarak sa kaniyang puso. Sobrang sakit, sa sobrang sakit nito
ay hindi niya mapigilang magalit ng husto.
Nawalan na siya ng
ganang kumain katulad ng pagkawala niya ng gana sa buhay na kaniyang
kinasadlakan. Ang buhay na tila unti-unting sumusunog sa katawan niyang buhay
na buhay pa dahil sa mga kasalanang nagagawa at ginagawa niya. Buhay pa siya
ngunit unti-unti na rin namang ginugupo ng gawain niya ang buhay na mayroon
siya. Sinubukan niyang bumangon sa pagkakasadlak sa lupa ngunit sa bawat
pag-angat niya ay tila unti-unti rin siyang hinahatak pabalik ng mga bisyong
nakasanayan na niya.
IKALABING-TATLO
ng Agosto, Biyernes doon unang nakilala ni Tonio ang tinatawag sa lugar nilang Ikapitong Langit.
Sa labas ng bahay ni
Intong sa makipot na eskinita naroon sila nag-iinuman ng gabing iyon. Nagsimula
ang lahat sa kwentuhan kasabay ng pagnguya ng mani at kornik na kanilang pulutan.
Hanggang sa unti-unti silang nalango sa alak at doon ay ipinakita at ipinadama
nito sa kaniya ang Ikapitong Langit.
May inilabas itong
bagay mula sa bulsa, nakalagay ito sa isang pakete at ang itsura ay tila
pinulbos na kristal. Sa kabilang bulsa ay may hinugot pa ito, isang lighter at isang aluminum foil na kung tawagin nito ay mga “paraphernalia”.
“Brod, may ipapakilala
ako sa iyo,” iwinagayway nito ang pakete habang nakapagkit ang isang ngiting
aso. “Ito si Shabu at ito ang magdadala sa iyo sa Ikapitong Langit.”
Noong mga panahong iyon
ay bagong salta siya sa Tondo mula sa probinsiya ng Ilo-ilo. Nakipagsapalaran
siya na lumuwas ng Maynila dahil sa pangarap na masarap at maginhawang buhay,
ngunit, kabaligtaran ito sa naging kapalaran niya.
Sa bawat lumipas na
panahon ay nakita ni Tonio ang realidad nang pamumuhay sa Maynila. Hayskul
lamang ang natapos niya sa probinsiya kaya ng matuntong sa Maynila ay nahirapan
siyang makahanap at makapasok ng trabaho. Nagpapalit-palit siya ng pinapasukan,
mula sa pagiging takatak boy, sa
pagiging traysikel drayber, hanggang sa makapasok siya bilang isang boy sa isang grocery store. Ngunit, para kay Tonio ay tila hindi naging sapat
ang bawat baryang kinikita niya kaya naman naghanap siya ng mas madaling paraan
ng pag-asenso at pag-angat sa buhay. Ngunit, sa paghahanap niya ay maling daan
ang natagpuan at natahak niya dahil napasok siya sa madilim at maruming
trabaho.
Nakita niya kung paano
inilagay ni Intong sa aluminum foil
ang mga pulbos na kristal, ibinalot nito iyon at ginawang tila sigarilyo sa
haba, sinimulan niyang sindihan ang lighter
at nagsimula itong maglabas ng usok na unti-unting nagdala rito sa Ikapitong
Langit. Inilapit nito iyon sa kaniya at sinabing, “Ikaw naman nang maranasan
mong marating ang Ikapitong Langit, ‘pag nakatuntong ka roo’y tiyak kong
uulit-ulitin mo na ito.”
Dahil sa kainosentehan
ay sinubukan niya, ginaya niya kung paano samyuin ni Intong ang usok hanggang
sa unti-unti ay naranasan niya ang sayang dulot nito. Pakiramdam niya ay nasa
alapaap siya, nakalutang na para bang walang problemang inaalala.
Kaligayahan... kaligayahan lamang ang sayang bumabalot sa kaniya ng mga oras na
iyon.
“Heaven, pare! Nasa heaven
tayo, pare!” ang masayang saad ni Intong.
At ng mga oras na iyon,
natuklasan ni Tonio ang ligayang hatid ng makarating sa Ikapitong Langit sa
tulong ng bago niyang kaibigan - ang bawal na droga.
Simula ng gabing iyon
ay ito na ang naging sandalan ni Tonio, nakita niya ang malakas na potensiyal
nito sa pagkalap ng pera. Unti-unti siya namulat sa kalakaran ng maruming
pagtatrabaho sa gabay ng kaibigang si Intong. Nag-umpisa siya sa patikim-tikim
hanggang sa gawin siyang runner ni Intong sa bawal na droga.
GABI.
Umuulan. Basang-basa ng tikatik ng ulan ang buong kalsada. Humihithit siya ng
sigarilyong nakapagtatanggal ng kaba. Nakasuot siya ng itim na jacket na
may hood habang hinihintay ang kaabutan niya.
Maya-maya ay nakita na
niya ang isang lalaking palapit sa kaniya. Matangkad ito at payat mas lalong
nadepina niya ang itsura nito ng magkaharap sila. Binata. Pero ang mas
ikinagulat niya ay nang mamukhaan ito ng husto. Anak ito ng isang politikong
may mataas na katungkulan sa kanilang bayan.
Nagsimula silang
magkaliwaan. Iniabot nito ang sobre at inilahad niya ang ilang pakete. Mabilis
itong umalis kasabay ng pagtakbo nito sa gitna ng ulan. Mabilis din itong
lumulan sa itim na kotseng nakaparada sa 'di kalayuan at pinaharurot ito
paalis.
Naiwan siya at ang usok
ng itim na kotseng gumulantang sa kaniya.
Nang makabalik sa bahay
ni Intong ay sinalubong niya ito ng isang tanong, "Anak ni Mayor iyon 'di
ba?"
Tinignan siya nito at
muli ay gumuhit ang ngiting aso sa mukha nito.
"Matagal ng
parokyano iyon. Mga mayayamang walang mapaglagyan ng pera. Inuubos sa luho,
bisyo at sugal."
Mula ng gabing iyon ay
hindi na niya alintana ang bawat mukhang nakikita niya. Wala na siyang pakialam
dito lalo na sa tuwing makikita niya ang kapal ng sobreng inaabot sa kaniya.
Nagsimula siyang maging
ganid. Humiwalay siya kay Intong at nagsimula siyang magsarili. Kung noon ay
isang lamang siyang runner ngayon ay natuto na siya magtulak. Mas malaki
ang kita kumpara noon sa hatian nila ni Intong.
Kasabay ng pagkakaroon
niya ng maraming parokyano ay ang paglago rin ng perang inaasam niya. Lumakas
rin ang bisyo niya sa pag-inom at sigarilyo, pati pambababae ay natutunan na
rin niya.
Ngunit, 'di kalaunan ay
nagkaroon siya ng bagong kakompetensiya. Si Berting bagong lipat sa kanilang
lugar ngunit galing lamang ito sa karatig bayan. Ito ang tinatawag nilang Mayor.
Ang isa sa pinakamalakas na tulak sa buong Tondo. Kilalang-kilala at malakas ang kapit
sa mga kinauukulan. Ang hari ng bawal na droga. Hawak ng matataas; walang
kinasasalingan.
Humina at kumonti ang
kumukuha sa kaniya nalipat ang iba kay Berting. Dito nagsimulang bumalik sa
dati ang buhay niya. Bumalik siya kay Intong at swerte namang muli siyang
tinanggap ng kaibigan kahit na iniwan niya ito sa ere mag-isa.
TATLUMPUNG
minuto bago mag alas-nuebe. Pinagmasdan niyang mabuti ang sarili sa salamin.
Pinasadahan niya ng daan ang isang peklat malapit sa kaniyang mata. Sa
paghaplos niya rito ay nagbalik-tanaw ang bawat eksenang naganap.
Nakita
niya kung paano hatawin ng kaniyang ama ang ina niyang walang kalaban-laban.
Walang maliw ang palahaw ng iyak nito habang nakaluhod na nagmamakaawa. Hindi
niya na maatim ang kawalangyaan ng ama kung kaya ay tumakbo siya patungo rito
at isinalba ang ina sa pananakit nito. Sinalag niya ang paghampas nito ng
sinturon, tumama ang bakal na bagay malapit sa kaniyang mata. Naramdaman niya
ang mainit na likido na dumausdos sa kaniyang balat at doon ay natigil ang
kaniyang ama. Agad na tumayo ang kaniyang ina at nilapitan siya, agad na
pinahid nito ng bimpo ang dugong gumagapang pababa.
"Tonio,
anak..." puno ng pag-aalala ang tono nito.
"Ayos lang ho,
ako. Mas mabuti pang ako na lang ang masaktan kaysa kayo, 'nay. Hindi ko na
kaya ang mga pinaggagagawa niya. Umalis na po tayo dito."
"Hindi ko kaya,
anak. Mahal ko ang tatay mo."
Paulit-ulit na naganap
ang pananakit na iyon nadagdagan pa nga dahil pati siya ay kasali na. Kaya
isang gabi ay nakagawa siya ng isang desisyon. Bitbit ang isang backpack laman
ang kaniyang mga gamit ay napagpasyahan niyang umalis sa kanila. Pinili niyang
lisanin ang buhay na mayroon siya, pinili niyang lumayo sa kaniyang ina.
Makikipagsapalaran siya sa buhay; makikipaglaro sa tadhana ng mag-isa.
DALAWANG
minuto bago pumatak ang alas-nuebe mabilis siyang lumabas ng bahay at isinara
ang pinto.
Tahimik ang paligid.
Sarado na ang bawat pinto ng bahay na nadaraanan niya. Siya na lamang at ang
madilim na eskinita ang magkasama. Humugot siya ng malalim na buntong hininga,
muli ay sasabak siya sa isang giyera. Isang giyera na tila wala ng katapusan
hanggang sa siya ay malagutan na ng hininga. Mahirap supilin ang bagay na ito
kahit na nga pilit itong itinitigil ng nasa administrasyon. Ang laban sa bawal
na droga ay tila walang katapusan.
Narating niya ang parte
ng eskinita na malapit sa abandonadong lote. Nakita niya na ang ibang kasamahan
na nakapwesto na sa kani-kaniyang lugar. Isang malaking transaksiyon ang
magaganap ngayon. Dadayo sa lugar si Don Quijote, ang pinakamayaman at ang
pinakakilalang pusher sa Tondo.
Minsan lamang itong magpakita at sa pagkakataong ito ay swerteng makakaharap
ito ni Intong na siyang napiling kuhanan ng bawal na droga. Suot ang magarbong tuxedo at isang fedora hat na nakataklob sa ulo nito ay nagsimula nitong hithitin
ang pipa na nakasukbit sa bibig nito.
“Ikinalulugod kong
makilala ka, Don Quijote.” Ang magalang at puno ng paghangang saad ni Intong.
“Nasaan na ang isinadya
ko?” walang ligoy na saad ng Don.
Ikinumpas ni Intong ang
kamay at nagsimula siyang maglakad sa pwesto ng mga ito, bago siya tuluyang
makarating rito ay iniabot sa kaniya ng kasamahang si Baldo ang isang bag na puno ng ipinagbabawal na droga.
Iniabot niya ito sa kanang kamay ni Don Quijote at inilabas nito ang isang attaché case.
Umabot hanggang tainga ang ngiti ni Intong at Tonio matapos makita at
mapasakamay nila ang attaché case na puno ng salapi.
Ngunit, ang akala nila
ay magtatapos na sa isang masaya at matagumpay na operasyon ang lahat pero ang
hindi nila alam ay magsisimula pa lang ito sa kamay ng mga protektor ng bayan.
“Taas ninyo ang inyong
mga kamay!” malakas na sigaw ng isang lalaki na nakaleather jacket at sumbrerong itim.
Ang pagsigaw na iyon ay
naging hudyat upang mapalibutan silang lahat. Mula sa dilim ay unti-unting
naglabasan ang mga pulis tangan ang kani-kanilang baril. Nagsimulang
magkaputukan, nagpalitan ang paglabas ng bala sa bunganga ng nakakamatay na
sandata. Mabilis na isinalba si Don Quijote ng mga kinauukulan, pinosasan at
isinakay sa mobil. Habang si Intong ay minalas at humandusay sa gitna ng
makipot na eskinita, naliligo sa sariling dugo.
At si Tonio, mula sa
dilim ay kitang-kita niya ang taong paparating. Nakapasak ang headset sa tainga nito habang
kitang-kita niya ang gulat na reaksyon nito ng makita ang sitwasyong nagaganap
sa harap. Napaatras ito ngunit naging huli na ang lahat, mabilis na naging pula
ang puting damit nito.
Tumama ang isang ligaw
na balang sumakto sa kaliwang dibdib nito, walang malay itong lumagapak.
Mabilis na tumakbo si Tonio palapit rito ngunit mabilis rin niyang nakita ang
unti-unting pagpikit ng mga talukap nito. Kinuha niya ang kamay nito at
natatarantang pinulsuhan ito, ‘di alintana ang butil-butil na malamig na pawis
ay bumagsak ang mainit na likidong rumagasa sa kaniyang mga pisngi.
Wala na.
Wala na siya.
Wala na ang mahal niya.
Si Ligaya na walang
kamalay-malay. Si Ligaya na pauwi lamang galing sa trabaho ay ‘di sinasadyang
madamay sa operasyong naganap. Nalagulatan ito ng hininga sa kamay ng mga taong
naglalaban dahil sa iligal na droga. Si Ligaya na naputol ang oportunidad at
tiyansang mabuhay ng mas matagal pa.
Dahan-dahan siyang
ini-angat ng dalawang pulis, nabitiwan niya ang pulsong kanina pa niya
paulit-ulit na pinakikinggan ngunit wala ng tibok pa. Inilagay ng mga ito ang
kamay niya sa likod at doon naramdaman niya ang malamig na bawal na nagselyo sa
kalayaan niya.
ILANG
taon na ang nakararaan ngunit hanggang ngayon ay sariwang-sariwa pa rin ang
bawat eksena sa kaniyang memorya lalo na’t gabi-gabi ay binabalikan siya ni
Ligaya, dumadalaw ito sa kaniyang panaginip - sinisisi siya nito sa naging
masaklap na katapusan nito sa buhay.
Nagigising siya sa
tuwing matatapos ang kaniyang masamang panaginip, tatayo at maglalakad sa apat
na sulok ng kwartong kinaroroonan. At sa tuwing makikita niya ang bawat bakal
na nagsisilbing harang sa kalayaan niya ay dumadapo ang malamig na hangin sa
kaniyang balat na nagpaparamdam na kasa-kasama niya sa lahat ng oras ang alaala
ni Ligaya – na nagpapaalala ng bawat kamalian niya sa buhay.
Hustisya!
Muli ay narinig niyang
sambit ni Ligaya.
***
Ang kwentong ito'y opisyal kong lahok sa http://www.sba.ph/
***

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento