Martes, Oktubre 4, 2016
Pugad Pag-asa
Nakasilip si Anita sa siwang ng bintanang gawa sa kahoy habang pinagmamasdan ang marahang pagpatak ng ulan sa malupang kalsada. Ang bawat tikatik ng ulan sa bubong ang siyang nagsilbing palatandaan ng pagkainip niya, marahan niya itong pinakikinggan habang inaabangan ang nagtitinda ng paborito niyang binatog – gawa sa basonghinog ng puting mais na may halong niyog na maaaring lagyan ng asukal o ‘di kaya ay asin, ayon sa iyong panlasa.
Mabilis na tumalima si Anita matapos marinig ang tunog na katulad ng pagkalembang ng kampana hudyat na naroon na si Mang Onor na siyang tindero ng paborito niyang minindal. Niyugyog niya ang inang natutulog sa sopang kawayan na siya namang nairita sa pagkagising. Pikit mata itong dumukot sa bulsa ng daster na suot na mabilis niyang inabot. Naka-antabay sa bukana ng kanilang pinto si Mang Onor na nakasuot ng kapote, pananggalang sa bawat tikatik ng ulang bumasa sa kalupaan ng Pugad Pag-asa.
Natakam at naglaway siya matapos makitang sumandok ng katamtamang laman ng binatog ang matandang tindero at tinaktakan nito iyon ng asukal at asin na siyang paborito niyang kombinasyon. Nagpasalamat siya matapos i-abot ang sampung pisong barya sa matanda.
May ngiti sa mga labing pumasok siya sa loob ng kanilang bahay kung saan gising na sa panahong iyon ang kaniyang inang nakabusangot na tiyak niyang nabwisit sa pang-aabala niya sa siesta nito.
Kumuha siya ng isang tasa, nilagyan niya iyon ng isang kutsaritang kape at asukal at maingat na sinalinan ng mainit na tubig galing sa termos. Dahan-dahan niya itong nilapag sa harap ng inang tila pupungay-pungay pa sa antok. Tumabi siya rito at dali-daling nilantakan ang binatog. Inalog-alog pa muna niya ito mula sa plastik upang kumapit at humalo ang lasa nito sa mais at niyog. Matapos ay nagsimula siyang butasin ang dulo ng plastik at piniga ito at saka inilagay sa bunganga. Ninamnam niya ang nag-aagaw na tamis at alat na siyang kumapit sa bawat mais at niyog na nakain niya.
Saktong pagka-ubos ng kinakain niya ng marinig ni Anita ang malakas na paghiyaw ni Tonio sa kaniyang pangalan. Dali-dali siyang sumungaw sa pinto at nakita niya ang matalik na kaibigan, suot-suot pa nito ang unipormeng pang-eskwela. Bakas ang pagod sa mukha at ang mga butil ng pawis na namuo sa noo nito.
Sa musmos na pag-iisip ni Anita ay malawak na ang kaalaman niya sa bagay-bagay. Maagang namulat ang murang isip niya sa realidad ng buhay na mayroon sila at ng mga tao sa paligid nila. Ang Pugad Pag-asa ang isa sa mahirap na bayan sa lugar nila. Malayo sa sibilisasyon kung saan ang kasaganaan sa buhay ay naroon. Napapaligiran ng likas na yaman, napapaikutan ng mga tahanang yari sa kahoy, lupa ang siyang kalsada, paglalakad ang transportasyon, pagtawid sa ilog ang paraan upang makapasok sa eskwela.
Maswerte pa nga ang kaibigan niyang si Tonio dahil kahit papaano ay nagagawa nitong makapasok sa eskwela samantalang siya napilitang tumigil sa pag-aaral dahil kapos sa pera ang pamilya nila. Pangatlo siya sa anim na magkakapatid. Panganay ang Ate Sylvia niya na maagang nakapangasawa dahil nabuntis ng nobyo nito sa edad na disi-siete. Ang kuya Baldo naman niya ay napilitang magtago sa ibang lugar matapos aksidenteng masaksak ang kaibigan nito isang gabi ng pag-iinuman. At, siya at ang dalawang nakababatang kapatid ay naiwan sa poder ng mga magulang. Ang itay niya ay pa-ekstra-ekstra lamang sa isang kontruksyon habang ang ina naman niya ay kumukuha ng laba at paminsan-minsan ay pamamalantsa.
“Aling Maria, magpapalaba po si inay sa inyo bukas.” Anunsiyo ni Tonio ng makalapit ito sa kanila.
“Sige, Tonio. Maaga kamo akong pupunta sa inyo bukas.” Ang sagot naman nito.
Lumabas sila ni Tonio matapos ng pag-uusap na iyon.
“Pumunta ka mamaya sa bahay, Anita, tuturuan kita ng mga bago kong natutunan.” Masayang saad ni Tonio sa kaniya.
Hindi magkamayaw ang saya sa puso ni Anita. Paano kasi, kahit papaano ay tila hindi siya nawalay sa pag-aaral. Nariyan ang kaibigan niyang si Tonio upang turuan siya; ang nagsilbing guro niya. Magkasing-edad sila ni Tonio at magkaklase sana sa taong iyon, ngunit, sa kasamaang palad ay nahinto siya sa pag-aaral. Masakit man para kay Anita ay tinanggap naman niya ang siyang kinahinatnan ng kaniyang buhay.
“Sige, pagkatapos ko sa gawaing bahay ay magtutungo ako sa inyo.” Ang sagot niya.
Nagpaalam sila sa isa’t isa at muling bumalik si Anita sa bahay. Naging magilas siya ng mga sumunod na oras, naiisip pa lamang niyang muli siyang may matututunan ay natataranta na siya.
Nagsimula na siyang magsalang ng sinaing sa kalan-de-uling, pagkatapos ay isinilong niya ang mga damit na nilabhan ng kaniyang ina. Habang binabatayan ang sinaing ay sinimulan na niyang tiklupin ang mga damit nila. At, habang abala siya rito ay nagsimula namang magluto ang kaniyang ina. Nakita niya ang sari-saring gulay na nakahantad sa lamesa, napangiti siya ng maisip na ang paborito niyang pakbet ang siyang iluluto ng kaniyang ina.
Matapos mailigpit ang mga damit na itiniklop ay nagpaalam siya sa kaniyang ina na magtutungo kila Tonio. Agad namang itong pumayag at sinabing umuwi bago maghapunan.
Masaya niyang binagtas ang daan patungo sa bahay nila Tonio. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim kung kaya’t binilisan na niya ang paglalakad. Pauwi na ang iba galing sa trabaho, binati siya ng mga kakilala at ganoon rin siya sa mga ito. Benteng bahay lamang ang agwat ng kanila Tonio, kaya bago pa man kumalat ang dilim sa kalangitan ay narating na niya ito.
Isa sa mga sementadong bahay ang kila Tonio, nasa abroad kasi ang ama nitong si Mang Ferdie kung kaya nagawa nitong mapa-ayos ang bahay. Ngunit, ilang taon lamang din ay nawala ang komunikasyon at wala na ring padala silang natatanggap kung kaya ay hubad na semento lang ang natapos.
Agad na sumalubong kay Anita ang nakababatang kapatid ni Tonio na si Sabel. Pinapasok siya nito at sumigaw para tawagin si Tonio. Mabilis naman itong lumabas ng kwarto dala-dala ang mga gagamitin nila sa pag-aaral samantalang siya ay may dalang isang lumang kwaderno, na siyang ini-recycle niya mula sa iba pang kwaderno. Kinuha niya ang ilang parte ng mga malinis at blangkong papel at saka sinulsi para magtagpi-tagpi.
Pumuwesto sila sa sala kung saan doon ay mayroong isang pabilog na lamesa. Inilatag ni Tonio ang mga libro at kwaderno na kaniyang ituturo kay Anita. Ang lahat ng natutunan ni Tonio sa loob ng eskwelahan ay agad naman niyang isinasalin kay Anita. Mabilis namang makuha ni Anita ang lahat dahil magaling at maayos magturo si Tonio at saka may utak rin siya pagdating sa akademiya. Taon-taon nga noong nag-aaral siya ay nakakasungkit siya ng medalya sa tuwing magtatapos ang taon ng pag-aaral. Tuwang-tuwa nga ang kaniyang mga magulang sa tuwing magkakamit siya ng tagumpay. Minsan nga ay napa-iyak pa ang mga ito matapos niyang masungkit ang unang karangalan.
Kaya nga ng mga panahong hindi siya magawang pag-aralin ng mga ito ay abot-abot ang paghingi ng tawad ng mga ito.
“Pasensiya na anak kung kailangan mo munang tumigil sa pag-aaral. Hindi na kasi namin kaya ng itay mong tustusan ang pag-aaral mo. Alam mo naman kung anong nangyari sa mga kapatid mo, nagkasunod-sunod ang problemang dumating sa atin. Hindi rin palagian ang trabaho ng iyong itay kaya ‘yong pang-aaral mo sana ay siyang gagamitin muna natin sa gastusin sa bahay. Hayaan mo, anak, kapag nakaluwag-luwag na tayo ay makakabalik ka rin sa eskwela.”
Naalala niyang sambit ng kaniyang ina noong malaman niyang hindi na muna siya makakapagpatuloy sa pag-aaral. Noong gabi ring iyon ay tahimik na lumuha ang batang si Anita. Gustong-gusto niya ang makatapos ng pag-aaral, gustong-gusto niya ang maiahon ang kaniyang pamilya sa hirap. Kaya nga ginagalingan niya sa eskwela dahil alam niyang ito ang magiging tulay o daan niya upang makamit ang inaasam. Ngunit, noong mga panahong iyo ay tila nawasak ang tulay na siyang daan niya sa pangarap. Nabali ito kung saan nalaglag siya sa kinasasadlakan.
“Ang galing mo talaga, Anita. Ang bilis mong makuha ang lahat. Sayang nga lamang at hindi mo nagawang makapasok ulit sa eskwela, e ‘di sanay ikaw na naman ang siyang nagunguna sa klase natin.” Ang saad ni Tonio matapos nilang mag-aral noong gabing iyon.
Nagpapahinga na sila kung kaya ay nagawa na nilang mag-huntahan.
Malungkot ang naging mukha ni Anita matapos marinig iyon ngunit sa tuwing iisipin niyang makabubuti para sa pamilya nila ang naging desisyon ng magulang ay hindi niya na lang magawang masaktan.
“Ayos lang, Tonio. Walang-wala talaga kaya kailangan munang tumigil, ang sabi naman ni inay ay kapag nakaluwag ay muli akong makakabalik sa eskwela. At saka nandiyan ka naman, ikaw ang pangalawang guro ko.” ang may himig biro niyang saad sa huling sinabi.
Natawa si Tonio at ginulo ang kaniyang buhok.
“Ikaw talaga, malaki na ang utang mo sa akin may bayad kaya ang bawat oras ng pagtuturo ko sa iyo.” hirit naman nito.
“Tiyaka na ang bayad dahil kapag yumaman na ako ay baka triplehin ko pa ang bayad ko sa iyo.” dagdag niya pa. “Pero, salamat Tonio at nandiyan ka. Kahit na hindi na ako pumapasok sa eskwela ay natututo pa rin ako dahil sa iyo.”
“Sus, itigil mo na nga iyang drama mo, Anita. ‘Di bagay sa iyo ang mag-drama. Sampung taon ka pa lang pero nangungulubot na ‘yang mukha mo sa stress.”
Napahawak siya sa mukha at tila ba kinapa ang balat. Hinuli ni Tonio ang kamay niya pagkatapos ay inilagay nito sa magkabilang gilid ng bibig at hinatak ito upang kumurba ang kaniyang labi.
“Hayan, mas bagay sa iyo ang nakangiti.”
At, noong mga oras ring iyon at napangiti siya.
“Tandaan mong nandito tayo sa Pugad Pag-asa kaya hinding-hindi mo dapat balewalain ang diwa ng lugar natin. ‘Wag kang mawalan ng pag-asa, Anita.”
Nagsilbing tanda kay Anita ang mga sinabi ni Tonio. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay hindi siya nawalan ng pag-asa. Ni minsan ay hindi niya magawang sumuko kahit na nga ba sa panahong may makakaharap silang problema. Sa murang edad ay pinilit niyang maging normal, nakikipaglaro sa mga batang kapitbahay nila, nag-aaral kasama si Tonio, ngunit, ang takbo ng isip niya ay katulad na ng sa matanda. Masyado ng malawak, masyado ng maraming alam dulot na rin ng mga pangyayari sa kaniyang buhay. Nagsilbi itong hulmahan ng kaniyang paggulang.
Hanggang sa isang araw, dumating ang Tiya niya galing Maynila. Matandang dalaga ito at walang anak. Nagulat pa siya sa biglaang pagbisita nito.
Bihirang-bihira lamang kasing bumisita ang mga kaanak nila kaya naman ang pagbisita ng Tiya Meding niya ay isang sorpresa.
Inutusan siya ng kaniyang ina na umutang muna ng tinapay at softdrinks kay Aling Sedes na may-ari ng tindahan kalapit nila. Ito ang takbuhan nila sa tuwing nanganganib sa pagdulas sa palad ang perang kinikita ng mga magulang niya.
Mabilis siyang bumalik dala ang mga ito, naghuhuntahan na ang mga ito ng ihain niya ang pagkain. Sabado, noong araw na iyon kaya mahaba-haba ang oras na sila ay makakapag-aral ni Tonio. Dala ang kwaderno at bolpen ay akma sanang lalabas na ng bahay si Anita ng pigilin siya ng kaniyang inay. Inutusan siya nitong i-ayos ang kaniyang mga gamit. Naestatwa siya sa pagtayo at may kung anong bumundol na kaba sa kaniyang dibdib. Hindi siya agad nakagalaw, tinawag pa muli siya ng kaniyang inay bago siya nakakilos. Tumalima siya sa utos nito kahit na nga ba kinakain ng pag-iisip ang isip niya. Ayaw niya ng pumapasok na ideya sa utak niya. Hindi siya handa. Ayaw niya.
Kinuha niya ang lumang bag na ginagamit niya noon sa eskwela, unti-unti niyang inilagay roon ang kaniyang gamit. Habang ang isip niya ay lumilipad sa kung saan. Iniisip kung ano ba talagang sadya ng Tiya Meding niya, kung bakit biglaan ang pagpunta nito rito. Ayaw niya sa mga nahihinuhang ideya. Paulit-ulit niyang nililimi ang sitwasyon ngunit bumabagsak ito sa iisang ideya lamang.
Alam na niya ang nangyayari, alam na niya ang mangyayari. Ayaw lamang niyang tanggapin. Ayaw niyang ipasok sa isip niya ang kahihinatnan at kasasadlakan niya. Hindi siya handang iwan ang inay at itay niya, ang dalawang kapatid niya, si Tonio, ang paborito niyang binatog, at ang Pugad Pag-asa. Pero, wala na siyang magagawa. Ito ang nakatadhana. Dito siya dinala ng baling tulay na nilakaran niya. Dito siya dinala ng agos ng buhay. Wala siyang magawa dahil sa murang edad niya tanging pag-iyak lamang ang karamay niya.
Narinig niya na ang pagsigaw ng kaniyang inay. Inuutusan na siya nitong bumaba. Mabilis niyang pinahid ang mga luhang tumulo sa pisngi niya. Halos ayaw niyang ihakbang ang mga paa palabas ng kwarto niya ngunit, kailangan.
“Anak!” ang tawag ng inay niya.
Lumapit siya rito habang nababanaag niya sa mga mata nito ang lungkot at ang unti-unting pagbuo ng mga tubig sa mata nito. Ramdam niya ang sakit sa damdamin ng kaniyang inay, kitang-kita niya ang nilalaman ng isip nito.
“Anak, ang Tiya Meding mo. Naaalala mo pa ba siya?” saad nito.
Marahan lamang siyang tumango bilang tugon at muli ay narinig niya ang mga sinabi nito sa kaniya.
“Sa kaniya ka muna titira, anak. Siya muna ang magiging magulang mo. Papaaralin ka niya sa susunod na taon, anak. ‘Diba gusto mong makapagtapos? Pangarap mo iyon… pangarap natin iyo, ‘diba?”
Tango lamang muli ang isinagot niya sa ina. Naramdaman niya ang mahigpit na yakap nito na siyang nakapaglabas ng mga luhang kanina pa niya pinipigilan.
“Sumama sa kaniya, anak. Mabibigyan ka ng Tiya mo ng magandang kinabukasan. Matutupad mo na ang mga pangarap mo. Galingan mo, anak! Alam kong magtatagumpay ka.”
Umalingawngaw sa kaniyang pandinig ang bawat salitang sinaad ng kaniyang ina. Sumama siya sa kaniyang Tiya Meding. Inihakbang niya ang kaniyang mga paa palabas ng Pugad Pag-asa. Inihakbang niya palayo ang mga paa sa kaibigang si Tonio. Iniwan niya ang kaniyang pamilya.
Ngunit, sa mga panahong iyon ay inilakad niya pasulong ang mga paa sa tunay na pag-asa. Sa tamang panahon ay babalikan niya ang kaibigan, babalikan niya ang kaniyang pamilya. At, sa pagkakataong iyon tiyak ay maiaahon na niya ang mga ito sa hirap. Magsusumikap siya para makamit ang inaasam. Para sa pangarap niya… para sa pangarap niya sa kaniyang pamilya.
Masakit man ang malayo sa mahal sa buhay at sa mga nakasanayan, ngunit, kung para sa pag-abot ng pangarap ay gagawin niya ang lahat.
Isasadiwa niya ang kahulugan ng Pugad Pag-asa, ang naging tahanan niya sa pagkakaroon ng pag-asa sa buhay. Sa tulong ng mga naranasan niya sa lugar na ito at sa tulong ng mga taong naging parte ng pagkatao niya rito ay naka-ani siya ng malaking tiyansa ng pag-asa. Hindi na lamang makukulong sa Pugad Pag-asa ang hinihiling niyang pag-asa, lilipad na ito at dadalhin siya sa lugar kung saan makakamtam niya ang inaasam. Hindi niya hahayaan ang tiyansang ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina, gagawin niya itong inspirasyon sa lahat ng dagok sa kaniyang buhay. Hindi niya hahayaan makawala ito sa kaniyang palad dahil kahit anong bigat nito ay hindi niya papakawalan. Hindi niya hahayaang mapatid ang pisi patungo sa pangarap. Hindi niya sasayangin ang pagkakataong ibinigay.
“Ako ang gagawa ng aking tadhana. Ako ang magpapatakbo ng aking buhay. Sa tulong ng mga taong nagbigay pag-asa, ako ay gagawa ng isang tagumpay. Paalam sa ngayon Pugad Pag-asa, babalik ako at kayo ang bibigyan ko ng tunay na pag-asa."
#AuditionEntry
#AStoryToTellWritingContest
#Top20Finalist
Biyernes, Agosto 26, 2016
Susi
Pagal na ang katawan ko ngunit sa tuwing titigil ako’t makakarating sa isang lugar ay nakikita ko ang mga palatandaang aking iniwan. Pabalik-balik at paulit-ulit lamang ako ng tinatahak tila walang katapusan... walang labasan.
Ilang beses kong sinubukang makawala; ang mahanap ang labasan pero tila pinaglalaruan ako. Sa huli’y, pinaikot-ikot lamang ako’t ibabagsak din pala sa kung saan ako nanggaling.
Kusang bumigay ang mga binti ko sa pagod at balewalang napahiga.
Mahiwaga’t may hatid na katatakutan ang lugar. Punong-puno ng tumpok na mga butong nagmistulang palamuti sa pader, mga bulto ng butong tila gawa sa sining sa sinsin ng pagkakagawa nito sa iba’t ibang korte at posisyon.
Nagmistula itong tirahan ng mga patay, kaibahan nga lamang ay ang hiwagang nakapalibot rito.
“Ano ang lugar na ito?”
Sa pagod ay naramdaman ko ang pagbigay ng talukap ng mga mata ko’t dinala ako nito sa pagtulog.
Nagising ako sa alingawngaw ng isang sigaw. Napatayo akong bigla at agad na nilinga ang paligid ngunit wala akong nakita.
Isang boses lamang – ito na kaya ang magiging susi sa aking paglabas?
Paulit-ulit akong sumigaw baka sakaling naroon pa ito’t marinig ako. Ngunit, halos mapaos na ako’y wala man lang naging tugon.
“Nasaan ba talaga ako?”
Ilang sandali’y napagdesisyonan ko ang muling sumubok. Tumayo ako’t nagsimulang maglakad, nilandas ko ang makitid na daan at doo’y nagtuloy-tuloy hanggang sa makita kong muli ang bakal na hagdang nakadikit sa pader.
“Hayaan Ninyo po akong tahakin ang tamang daan.” ang piping dasal ko.
Isinampa ko ang aking paa’t nagsimulang akyatin ito. Hindi ko alam kung gaano ito kahaba hanggang sa maramdaman ko ang pagngalay ng aking binti’t kamay dahil sa tila walang hanggang hagdang ito. Napausal ako ng pasasalamat ng marating ang tuktok at makakitang muli ng patag na daan.
Isang malawak na solar ang tumambad sa akin, ang kaibahan lang sa lugar na pinanggalingan ko kanina’y ang bandalismo sa pader. Lumapit ako rito’t napansin ang pare-parehong mensaheng nakasulat.
“You are the master of your fate; you are the captain of your soul.”
Nagulat ako ng marinig muli ang boses na iyon, tila binasa nito para sa akin ang mga katagang iyon.
“Nasaan ka? Magpakita ka sa akin! Tulungan mo ako!”
Paulit-ulit ko itong sinigaw ngunit walang naging tugon, imbes ay nagpakita ang isang bolang apoy sa gitna ng kinaroroonan ko.
“Sundan mo ang liwanag, hayaan mong gabayan ka niya sa iyong patutunguhan.”
Nagsimulang gumalaw ang bolang apoy na nakalutang sa hangin, tumalima ako rito’t nagpatianod lamang sa daang binabagtas nito. Sinuong namin ang madilim na lagusan at ito ang nagsilbing liwanag.
Balot ng kababalaghan, kaba’t takot ang aking nararamdaman. Banyaga ang lahat sa akin mula sa lugar at sa misteryong nakapalibot dito. Ang nagbibigay lakas ng loob sa aki’y ang pag-asang makakalabas ako sa lugar na ito.
“Dalhin mo ako sa tamang daan at hayaan mo na akong makawala.”
Tila nawawala sa sariling kausap ko sa bolang apoy, ngunit, nagulantang ako ng tumigil ito’t makarinig ako ng pagtugon mula rito gamit ang maliit at matinis na boses, “Ikaw lamang ang makakasagot niyan. Tandaan mong ikaw ang may hawak ng iyong tadhana’t ikaw ang namumuno sa iyong kaluluwa.”
Namagitan ang katahimikan. Hindi na ako muling nakapagsalita’t napaisip na lamang sa sinaad nito.
Nasa akin ang sagot, nasa akin kung paano akong makakawala sa lugar na ito.
“Narito na tayo,” tumigil siya’t pinakinggan ko ulit. “Muli, ikaw ang susi.” Nag-iwan muli siya ng isang palaisipan sa aking isipan.
Muling nagpakita sa akin ang tumpok-tumpok na mga buto. Naroon na naman ang mga nakakamanghang sining na gawa sa mga ito. Sa pagkakataong iyo’y muli akong dinala ng misteryo ng lugar na iyon sa pag-iisip habang pinagmamasdan ang dalawang pinto.
“Pumili lamang ng isa. Tamang daan upang makawala’t makalaya o maling daan upang manatili’t makulong habambuhay. Maging matalino sa pagpili. Alin, alin, ang iyong pipiliin?”
Tila laro ang kinasasadlakan ko’t ang boses na iyon ang nagdidikta sa takbo nito. Ang nagbibigay ng pagsubok at sumusubok sa aking kakayahan.
Dahan-dahan kong pinihit ang seradura ng kaliwang pinto. Magtitiwala ako sa aking sarili dahil ako ang gagawa ng sarili kong paglalakbay.
Dilim ang sumalubong sa akin habang dahan-dahan kong inihakbang ang aking mga paa. Malakas ang pagtibok ng aking puso hanggang sa maramdaman ko ang pagkahulog ko sa madilim na lugar na iyon. Ipinikit ko ang aking mga mata’t naisambit sa isip ang, “Tiwala ako sa aking sarili.”
Lumagapak ako sa isang lugar at tumambad sa akin ang liwanag. Pamilyar ang lahat, ang mga taong naroon at ang mga kagamitan. Ang pamilya ko’t ang aming tirahan. Tumakbo ako upang salubungin ang aking ina ngunit ang mga buto ang aking nayakap kaya agad akong napaalis rito.
“Isang pantasya’t ilusyon ngunit kapag nalagpasan mo ang pagsubok ay makakasama mo ng muli sila.”
“Anong pagsubok?”
Nagbagong muli ang anyo ng lugar, sa pagkakataong iyo’y nakita ko ang aking kapatid habang naglalaro. Pinapanood ko siya nang biglang sumulpot ang isang kakaibang nilalang. Itsurang taong may dalawang mukha ngunit ang balat ay tila sa isang ahas. Hawak-hawak ang isang pana habang diretsong nakatutok sa aking kapatid. Napansin nito ang aking presensiya’t habang nakangisi’t nakatingin sa aki’y pinakawalan nito ang palaso. Walang pag-aalinlangan akong tumakbo patungo sa direksyon ng aking kapatid, iniharang ko ang aking sarili’t sinalo ang palasong diretsong nagtungo sa aking puso.
Dahan-dahan, unti-unti nilamon ng kadiliman ang aking paningin.
Nagising ako sa malakas na palakpak na aking narinig at sa matagumpay na halakhak na umalingawngaw sa buong paligid. Nakabalik muli sa dating anyo nito ang lugar.
“Magaling! Binabati ko ang pagkakaroon mo ng tapang na suungin ang kritikal na pagsubok. Nadama ko ang damdaming umantig sa aking puso, ang pagmamahal na mayroon ka sa isang tao. Hindi ka sumuko’t nawala ng pag-asang makakawala sa lugar na ito. Nandoon ang tibay ng loob kaya naman sa buong pagsubok sa paglalakbay na ito’y ika’y nagtagumpay. Nakapasa ka dahil sa tiwala mo sa iyong sarili. Muli mong sundan ang bolang apoy at ika’y ihahatid nito sa tamang daan.”
Nagsimula muli kaming maglakad hanggang sa marating namin ang isang yungib, doo’y huminto siya’t muling nagsalita, “Ito ang tanging labasan upang muli kang makabalik sa iyong katawan. Isa ka sa mga ligaw na kaluluwang kumawala sa kanilang katawan matapos makaharap ang isang aksidente. At matapos mong matagumpay na suungin ang pagsubok sa kagustuhan mong mabuhay ay ito ang iyong pagka-panalo. Ihakbang mo na ang iyong mga paa palabas at magsisimula ng magpantay ang liwanag at dilim at kapag nangyari iyon ay agad kang bumalik sa iyong katawan dahil kapag hindi mo nagawa ito’y mananatili kang nakakulong sa mahiwagang lugar na ito katulad ng mga naririto.”
Inihakbang ko na ang aking paa palabas at doo’y nakita ko ang pinangyarihan ng lahat. Muli akong lumingon sa bolang apoy at tinanong siya, “Ano ang lugar na ito?”
Hindi siya sumagot at unti-unting lumayo, tinignan ko ang paligid at sa itaas ng yungib na iyo’y nakita ko ang mga naka-ukit na letrang, “Parisian Catacombs.”
Unti-unti ng sinasakop ng liwanag at dilim ang isa’t-isa kaya agad akong tumakbo’t hinahanap ang aking katawan. Sa hindi kalayua’y nakita ko ito, agad akong napangiti’t tumakbo patungo roon at bago pa man matapos magpantay ang dalawa’y agad kong ipinuwesto ang kaluluwa ko’t unti-unti kong naramdaman ang pag-iisa nito sa katawan ko.
#LiteraryOutbreakSeason2
#Phase2
#TeamSmeagol
#ContestEntry
Linggo, Hulyo 24, 2016
Ang Paglalayag
Pinili kong itarak ang pluma sa malinis at maputing papel na ngayo'y unti-unting minamantsahan ng tintang bumubuo ng mga salitang nais kong ialay sa iyo.
At sa pagsisimula ng kathang ito'y nais kong malaman mong ang bawat letrang itinatak ko rito'y produkto ng malikot na isip na punong-puno ng mga katagang gusto kong iusal sa iyo.
Nag-uumpisa na ang daluyong; nagsisimula ng humampas ang galit na galit na alon. Ngunit, sinuong ko ang nagngangalit na tubig, hindi ko alintana ang maaaring mangyari. Sa bawat paggalaw ng bangkang sinasakyan ko'y unti-unting rumerehistro ang imahe mo.
Bakit nga ba nagpupumilit ako? Bakit nga ba walang takot kong inialay ang buhay ko?
Isa lamang ang alam kong sagot walang iba kundi ang pag-ibig mo.
Matamis na pag-ibig, 'yan ang inialay mo sa akin. Hindi ko maipaliwanag ang aking damdamin noong itinuran mo ito sa akin. Mabilis ang pagtambol ng puso ko kasabay ng kakaibang silakbo ng damdaming namuo.
Heto na! Heto na!
Unti-unti ang pagpayapa ng kaninang naninibughong tubig habang tila idinuduyan na lamang ako ng mahina't mabining alon.
Nararamdaman ko na ang pagbabago ng takbo. Mabilis ang pagbuklat ng pahina ng araw, unti-unting nabubuo ang bawat kabanata. Ang mga eksena'y walang kasing saya na tila nabubuhay ako sa pantasya.
Kakaiba.
Mahikal.
Unti-unting tinatabunan ng maputing ulap ang kanina'y madilim na kalangitan. Dahan-dahang sumisilay ang sinag ni haring araw. Nakikita ko na ang aking kahahantungan.... ang dulo ng walang kasing sayang paglalakbay. Ang makita kang naghihintay ay ang destinasyong aking inaasam.
Martes, Hulyo 5, 2016
Mga Bangkang Papel
Pareho
nating pinanood kung paanong tangayin ng pagragasa ng tubig ang mga bangkang
papel na pinaglalaruan natin. Tumakbo tayo at sinundan ang pagsabay nito sa
agos. Maya-maya ay nakita nating pareho ang paglubog ng kulay lilang bangkang
papel habang patuloy naman na tinatangay ang kulay rosas nito.
Sa
bawat kulay na indikasyon ng ating pagmamay-ari ay nalaman natin kung sino ang
nanalo sa karerang iyon.
Ikaw
– na noon pa man ay magaling na sa lahat ng bagay. Ikaw na tila kakabit ang
swerte sa katawan.
Samantalang
ako, heto at naiwang nakalubog; umaasang makakaahon at humihiling na lubayan ng
malas.
Pareho
ang ating antas ngunit ang tingin ko sa iyo ay napakataas. Kailangang ko pang
tumingala upang makita ang ating pagkakaiba. Sa ating dalawa, ikaw ang langit
at ako ang lupa. Tinitingala ka habang ako naman ay tinatapak-tapakan. Nasa
itaas ka habang ako ay nasa ibaba. Nasa iyo ang papuri habang ako ay nanatiling
nakamasid at pinauulanan ng pagkumpara. Kinaiinggitan ka nang marami samantalang
ako ay kinukutya.
Bakit hindi ka tumulad sa kaniya?
Simula
noon, tila nag-ugat ang bawat salitang itinanim nila sa akin na umusbong sa
aking puso. Lumaki at lumago na kalauna’y nagbunga ng inggit, poot, sama ng
loob at ultimo paghihiganti.
Ginagawa
ko ang lahat upang makahabol sa iyo. Gumawa ako ng paraan upang mapantayan ka.
At mas lalong ginawa ko ang lahat upang malagpasan ka kung saan ay nakaahon ako
mula sa pagkakalubog ko.
Sa
muling pag-agos ng bangkang papel ko ay dinaanan lamang kita, tinignan ng may
pagmamalaki, tinawanan ng may pang-iinis, nilagpasan at hindi na muling
nilingon pa.
Alam
kong naagaw ko na ang korona sa iyo. Alam kong nakuha ko na ang lahat ng matang
noon ay nakatingin sa iyo. Alam kong nakatuon na sa akin ang buong atensyon.
Alam kong ngayon ay ako na ang pinupuri at ikaw na lamang ang nakamasid at
tinatanong nila.
Anong nangyari sa iyo?
Sa
likod ng entabladong iyon ay hindi ko napigilan ang magpakawala ng isang
matagumpay na halaklak habang nakita ko kung paano ka pagalitan ng dating
paborito kang gawing bida. Suot-suot ang damit pangkasambahay ay tila hirap na
hirap kang intindihan ang nais niyang mangyari.
Napailing
siyang muli dahil sa ikalimang pagkakataon ay hindi mo nagawa ang gusto niyang
maging kalabasan ng pag-arte mo. Natanaw niya ako habang nakasilip sa telon,
kinumpas niya ang isang kamay upang palapitin ako. Agad akong nagtungo sa
kinaroroonan ninyo at pinasubukan niyang i-arte ko ang nais niyang makita sa
iyo.
Sinunod
ko siya at muling ipinamalas ang aking galing. Buong puso kong nilagyan ng
damdamin ang bawat salitang namumutawi sa aking bibig.
“Umagos ang tubig at tinangay
tayo ngunit sa lakas nang ragasa nito isa sa atin ang lumubog at nalunod
samantalang ang isa’y naligtas at nakaahon.”
Nasa
harap ka habang binibigkas ko ang dayalogong iyon, titig na titig ka sa akin
habang ako nama’y tila isang punyal na itinatarak sa dibdib mo ang bawat
salita. May diin kong sinambit at may damdaming pinaghuhugutan.
Narinig mo ba ang nais kong
iparating?
Nabali
ang ating tinginan nang marinig ko ang pagpalakpak at namutawi niyang papuri, “Mahusay!
‘Yan ang arteng nais kong makita. May damdamin at puno ng sinseridad.”
Nabanaag
ko ang lungkot sa iyong mata at ang namumuong tubig dito. Isang matagumpay na
ngiti ang ipinamalas ko hanggang sa nakita ko ang pagtulo ng luha sa pisngi mo.
Napangisi ako sa iyo habang pinapahid mo ang mga maalat na likidong gumagapang
sa balat mo.
Patuloy kong ipapamalas sa iyo
ang lahat ng tagumpay ko.
Naging
maayos ang pagtatanghal kung saan muli kong nakamit ang tagumpay. Ang bawat
hiyaw sa aking pangalan ay nakatataba ng puso. Ang bawat palakpak ay
nakabibingi ngunit nakakatuwa.
Pagkababa
ng entablado ay agad ko siyang nakita, may bitbit na isang pumpon ng bulaklak.
Dali-dali kong inihakbang ang aking mga paa upang salubungin siya ngunit
naunahan ako ng isang pamilyar na bulto na agad itong sinalubong ng yakap.
Nadurog
ang puso ko sa eksenang iyon. Naramdaman ko ang pagbuo ng luha sa mata ko at ng
mga realisasyon sa isip ko.
Inggit?
Naroon pa rin ito sa puso ko. Hindi ito nagawang tabunan ng lahat ng ginawa at
nagawa ko. Higanti? Ito ang nangyari. Hindi ako lumaban ng patas. Tinapakan at
sinagasaan ko na lang basta ang lahat. Tagumpay? Hindi ko ito nakamit. Hindi ko nagawang palayain ang poot at galit
na tumanim sa akin. Imbes na ito’y pigilan ko lalo ko itong pinayabong sa puso
ko.
Kaya,
heto hanggang sa huli, sa larangan ng galing at pag-ibig ay ako pa rin talo.
Nakita
ko ang pagpunta nila sa akin, magkahawak-kamay at nakangiti. Pinahid ko ang
luha sa aking pisngi at nagsimulang ikurba ang labi sa isang ngiti.
“Congratulations!
Natutuwa kaming naabot mo na ang iyong pangarap, ang iyong tagumpay. Sana ay
magtuloy-tuloy ito at tandaan mong nandito lang kaming mga kaibigan mo nakasuporta
sa iyo.” sinserong saad niya.
Bakit
ganoon? Sa lahat ng ginawa ko sa kaniya’y ni wala akong nakitang poot at galit
. Walang hinanakit na bakas ng aking mga ginawa tila hindi siya nasugatan ,
walang marka ng peklat ang pagkatao niya. Malayang-malaya. Malinis ang
kalooban.
Samantalang
ako, kinain ng poot, galit, at hinanakit puno ng marka ng peklat ang aking
pagkatao. Nakakulong sa pighati at paghihiganti. Marumi kong mag-isip.
Papalayo
na ang imahe nila ng maalala ko ang katagang nagmarka sa akin habang kami’y
naglalaro ng bangkang papel noon, “Ang
kalayaan ay makakamit kung ang isang puso ay busilak.”
Mabilis
na naubos ang tao, naiwan ang katahimikan habang papalabas ako sa lugar na
iyon. Tumigil ako saglit at naramdaman ko ang pag-ihip ng hangin, kasabay niyon
ay pinalipad ko ang lahat ng masamang bagay na nanahan sa kalooban ko. Hinayaan
kong tangayin ang mga negatibong damdaming nagkubli rito.
Naramdaman ko ang paggaan
ng aking pakiramdaman, tila ako isang ibong nakawala sa hawla matapos kong
palayain ang lahat ng sakit, galit, at hinanakit.
Tagumpay?
Heto na yata ang tunay na tagumpay na nakamit ko, ang makalaya sa tila
demonyong nagkubli sa loob ko.
***
Theme: Paglaya
#ContestEntry
#KalatasatKandilaPromotionsGroup
Huwebes, Hunyo 30, 2016
FomH Entry #2
Isa-isa kong pinulot ang bawat piraso ng punit na larawang kani-kanina lang ay gigil na gigil kong pinagsisira. At ngayon nama'y parang puzzle kong pilit na pinagdidikit at binubuo ito sa dating anyo.
Para akong baliw o mas tamang sabihing nababaliw na ngang talaga ako...
Baliw sa pag-ibig. Baliw sa taong naging dahilan kung bakit naging ganito ako; ang dahilan kung bakit nilalamon ng pighati ang kalooban ko.
Kung bakit ba kasi sa lahat ng lalaki sa mundo'y sa kaniya pa napiling tumibok ng puso ko. Nakakainis lang na sa dinami-rami nila'y sa kaniya pa kung sinong mayroon na.
Noo'y akala ko purong saya lamang ang umibig ngunit kalauna'y unti-unti kong napagtantong sa bawat pagtakbo ng panahon ay makikita at magpapakita sa akin ang bawat anyo nito.
Sa una'y buo ito ngunit dahan-dahan sa bawat paglipat ng pahina ng buhay ay ipinadama at ipinamalas sa akin ang unti-unting pagkawasak, ang unti-unting pagka-upos ng mga maliligayang sandali hanggang sa mapalitan ito ng pagkabigo, pagkasawi at pagkasira.
"Akala ko'y ikaw na. Akala ko sa panahong tayo'y magkasama ay wala nang iwanan," muling tumakas ang hikbing pilit kong pinapalis. "Ngunit, ang lahat ng ito'y akala lamang. Isang akalang tunay ngang nakamamatay."
Muli kong nabuo ang larawan kung saan tayo ay magkasama. Hawak mo roon ang aking kamay hawak ang mga ngiti nati'y umabot hanggang tainga. Idinikit ko itong muli sa salamin ng aking tukador at doo'y pinagmasdan ko kung gaanong sa bawat pag-usad ng araw ay ang pagbabago ng iyong nararamdaman.
Fragments of my Heart
Itinarak ko sa isang malinis at puting papel ang bawat tinta ng bolpeng iyon. Inilathala nito isa-isa ang mga salitang nagkubli sa isip ko. Pinalaya nito ang mga salitang nakakulong sa bibig ko. Pinuno ko ang bawat pahina ng mga letrang bumuo ng mga salita; mga salitang sumalamin sa aking damdamin. Mga tirang piraso at mga hindi buong salita't damdaming naging ugat ng iyong paglisan. Mga nagmistulang preso sa malamig na rehas na kumulong sa malamig at wasak kong puso.
At ngayo'y ginugulo ako nito; sinisigawan at hindi ako pinatatahimik. Nagbabanta ng pag-aaklas; naghahamon ng giyera. Humihingi sila ng kalayaan ngunit natatakot akong ibigay. Natatakot akong abandonahin nila't iwang mag-isa katulad ng iyong ginawa.
Ngunit...
Panahon na nga siguro upang gapiin ang bawat sakit, hapdi, at paghihirap. Ito na ang tamang panahon upang buksan ang hawla at palayain ang bawat negatibong damdaming nagkubli sa kaloob-looban. At gaya ng ibong sabik sa paglipad ay pinakawalan ko kayo. Pinanood ko ang inyong paglipad at sa bawat paglayo ninyo sa akin ay tila nakamit ko ang pagbalik ng bawat piraso ng gunit-gunit kong katauhan.
Lunes, Hunyo 27, 2016
Just a Dream
Kitang-kita ko ang imahe niya sa likod ng kakarampot na ilaw na tumatagos lamang sa malilit na siwang ng aking bintana. Sa hulma ng katawan nito ay isa itong lalaki na nakaupo sa isang bean bag malapit sa aking kama. Ilang beses kong ipinikit-buka ang mga mata ko sa pagkakataong iyon. Inalam ko base sa pigura kung sino siya ngunit hindi ko siya marekognisa dahil na rin sa dilim na bumalot doon. Hindi ko na rin napigilan ang mapaisip hanggang sa maalala kong mag-isa nga lang pala ako sa bahay.
Hangos na hangos akong napamulat. Naramdaman ko ang lamig ng butil ng mga pawis na namuo sa aking noo. Tuyong-tuyo rin ang aking lalamunan at tila ba napaos ako sa matinding sigaw na ginawa ko sa aking panaginip.
Bakit tila hanggang ngayon ay ramdam na ramdam ko pa rin ang matinding titig na ginawa niya sa akin? Hindi ko tuloy mapigilan ang balingan ng tingin ang bean bag na siyang inupuan niya.
Bakante.
Walang tao.
Nanginig ang katawan ko at nagtaasan ang balahibo ko sa katotohanang iyon. Ngunit tila bakit mayroong isang presensiya ang naroon pa sa silid na iyon?
Itinigil ko na ang pag-iisip at pagbuo ng mga tanong sa aking isip bago pa kung ano-ano ang mabuong ideya rito. Agad akong bumangon at nagtungo sa banyo.
Pinagmasdan ko ang repleksiyon ko sa salamin at kitang-kita ko ang hapis kong mukha at ang tuyot kong balat. Lahat ay dulot ng aking karamdaman.
Kinuha ko ang isang botelya at nagtaktak ng isang pirasong gamot sa aking palad. Agad ko itong initsa sa aking bunganga at tuloy na nilunok.
Hindi ko mapigilan ang sarili kong pagmasdan. Sobrang kakaiba na sa dati kong itsura. Ilang taon na ang lumipas matapos ang pangyayaring iyon. Dito. Dito mismo sa bahay na ito. Hindi ko akalain. Hanggang ngayon ay nakamarka iyon sa isip ko.
Gabi na ngunit maalinsangan pa rin ang dulot ng init ng panahon. Kaya naman napagpasyahan ko ang tumambay sa balkonahe ng aking kwarto at doon ay magpalipas ng oras sa pagmasid ng bituin at buwan. Ngunit nabasag ang pagmumuni-muni kong iyon ng may marinig akong galabog sa labas ng kwarto. Kinabahan agad ako sa narinig at kahit na may takot sa dibdib ay dahan-dahan kong pinihit ang seradura ng pinto hanggang sa bumungad siya sa akin.
“Ayoko na Elisa, maghiwalay na tayo.”
Amoy na amoy ang alak na sumisingaw sa hininga niya ngunit hindi ko iyon pinansin at pinagtuunan ng pansin ang sinaad nito.
“Ayoko, Miguel!” ang may diin kong sabi.
“Hindi Elisa. Tama na. Ayoko na.”
Pumasok siya sa kwarto at nilagpasan ako. Binuksan niya ang drawer at kinuha ang mga gamit niya roon. At nang mailigpit niya ito’y muli akong nilagpasan at lumabas. Sumunod ako sa kaniya ngunit tinaboy niya lang ako.
Hanggang sa umalis siya at iwan akong luhaan.
Sa buwang ito, tuwing bakasyon ay bumabalik ako.
Nagbabaka-sakali.
Umaasa.
Hanggang sa hindi niya ako binigo at magpakita siyang muli ngunit sa panaginip na lamang.
Hanggang dito na lang.
#AuditionEntry
#YSSF
#TeamImba
#FlashFiction
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)