Martes, Oktubre 4, 2016

Pugad Pag-asa



Nakasilip si Anita sa siwang ng bintanang gawa sa kahoy habang pinagmamasdan ang marahang pagpatak ng ulan sa malupang kalsada. Ang bawat tikatik ng ulan sa bubong ang siyang nagsilbing palatandaan ng pagkainip niya, marahan niya itong pinakikinggan habang inaabangan ang nagtitinda ng paborito niyang binatog – gawa sa basonghinog ng puting mais na may halong niyog na maaaring lagyan ng asukal o ‘di kaya ay asin, ayon sa iyong panlasa.

Mabilis na tumalima si Anita matapos marinig ang tunog na katulad ng pagkalembang ng kampana hudyat na naroon na si Mang Onor na siyang tindero ng paborito niyang minindal. Niyugyog niya ang inang natutulog sa sopang kawayan na siya namang nairita sa pagkagising. Pikit mata itong dumukot sa bulsa ng daster na suot na mabilis niyang inabot. Naka-antabay sa bukana ng kanilang pinto si Mang Onor na nakasuot ng kapote, pananggalang sa bawat tikatik ng ulang bumasa sa kalupaan ng Pugad Pag-asa.

Natakam at naglaway siya matapos makitang sumandok ng katamtamang laman ng binatog ang matandang tindero at tinaktakan nito iyon ng asukal at asin na siyang paborito niyang kombinasyon. Nagpasalamat siya matapos i-abot ang sampung pisong barya sa matanda.

May ngiti sa mga labing pumasok siya sa loob ng kanilang bahay kung saan gising na sa panahong iyon ang kaniyang inang nakabusangot na tiyak niyang nabwisit sa pang-aabala niya sa siesta nito.

Kumuha siya ng isang tasa, nilagyan niya iyon ng isang kutsaritang kape at asukal at maingat na sinalinan ng mainit na tubig galing sa termos. Dahan-dahan niya itong nilapag sa harap ng inang tila pupungay-pungay pa sa antok. Tumabi siya rito at dali-daling nilantakan ang binatog. Inalog-alog pa muna niya ito mula sa plastik upang kumapit at humalo ang lasa nito sa mais at niyog. Matapos ay nagsimula siyang butasin ang dulo ng plastik at piniga ito at saka inilagay sa bunganga. Ninamnam niya ang nag-aagaw na tamis at alat na siyang kumapit sa bawat mais at niyog na nakain niya.

Saktong pagka-ubos ng kinakain niya ng marinig ni Anita ang malakas na paghiyaw ni Tonio sa kaniyang pangalan. Dali-dali siyang sumungaw sa pinto at nakita niya ang matalik na kaibigan, suot-suot pa nito ang unipormeng pang-eskwela. Bakas ang pagod sa mukha at ang mga butil ng pawis na namuo sa noo nito.

Sa musmos na pag-iisip ni Anita ay malawak na ang kaalaman niya sa bagay-bagay. Maagang namulat ang murang isip niya sa realidad ng buhay na mayroon sila at ng mga tao sa paligid nila. Ang Pugad Pag-asa ang isa sa mahirap na bayan sa lugar nila. Malayo sa sibilisasyon kung saan ang kasaganaan sa buhay ay naroon. Napapaligiran ng likas na yaman, napapaikutan ng mga tahanang yari sa kahoy, lupa ang siyang kalsada, paglalakad ang transportasyon, pagtawid sa ilog ang paraan upang makapasok sa eskwela.

Maswerte pa nga ang kaibigan niyang si Tonio dahil kahit papaano ay nagagawa nitong makapasok sa eskwela samantalang siya napilitang tumigil sa pag-aaral dahil kapos sa pera ang pamilya nila. Pangatlo siya sa anim na magkakapatid. Panganay ang Ate Sylvia niya na maagang nakapangasawa dahil nabuntis ng nobyo nito sa edad na disi-siete. Ang kuya Baldo naman niya ay napilitang magtago sa ibang lugar matapos aksidenteng masaksak ang kaibigan nito isang gabi ng pag-iinuman. At, siya at ang dalawang nakababatang kapatid ay naiwan sa poder ng mga magulang. Ang itay niya ay pa-ekstra-ekstra lamang sa isang kontruksyon habang ang ina naman niya ay kumukuha ng laba at paminsan-minsan ay pamamalantsa.

“Aling Maria, magpapalaba po si inay sa inyo bukas.” Anunsiyo ni Tonio ng makalapit ito sa kanila.

“Sige, Tonio. Maaga kamo akong pupunta sa inyo bukas.” Ang sagot naman nito.

Lumabas sila ni Tonio matapos ng pag-uusap na iyon.

“Pumunta ka mamaya sa bahay, Anita, tuturuan kita ng mga bago kong natutunan.” Masayang saad ni Tonio sa kaniya.

Hindi magkamayaw ang saya sa puso ni Anita. Paano kasi, kahit papaano ay tila hindi siya nawalay sa pag-aaral. Nariyan ang kaibigan niyang si Tonio upang turuan siya; ang nagsilbing guro niya. Magkasing-edad sila ni Tonio at magkaklase sana sa taong iyon, ngunit, sa kasamaang palad ay nahinto siya sa pag-aaral. Masakit man para kay Anita ay tinanggap naman niya ang siyang kinahinatnan ng kaniyang buhay.

“Sige, pagkatapos ko sa gawaing bahay ay magtutungo ako sa inyo.” Ang sagot niya.

Nagpaalam sila sa isa’t isa at muling bumalik si Anita sa bahay. Naging magilas siya ng mga sumunod na oras, naiisip pa lamang niyang muli siyang may matututunan ay natataranta na siya.

Nagsimula na siyang magsalang ng sinaing sa kalan-de-uling, pagkatapos ay isinilong niya ang mga damit na nilabhan ng kaniyang ina. Habang binabatayan ang sinaing ay sinimulan na niyang tiklupin ang mga damit nila. At, habang abala siya rito ay nagsimula namang magluto ang kaniyang ina. Nakita niya ang sari-saring gulay na nakahantad sa lamesa, napangiti siya ng maisip na ang paborito niyang pakbet ang siyang iluluto ng kaniyang ina.

Matapos mailigpit ang mga damit na itiniklop ay nagpaalam siya sa kaniyang ina na magtutungo kila Tonio. Agad namang itong pumayag at sinabing umuwi bago maghapunan.

Masaya niyang binagtas ang daan patungo sa bahay nila Tonio. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim kung kaya’t binilisan na niya ang paglalakad. Pauwi na ang iba galing sa trabaho, binati siya ng mga kakilala at ganoon rin siya sa mga ito. Benteng bahay lamang ang agwat ng kanila Tonio, kaya bago pa man kumalat ang dilim sa kalangitan ay narating na niya ito.

Isa sa mga sementadong bahay ang kila Tonio, nasa abroad kasi ang ama nitong si Mang Ferdie kung kaya nagawa nitong mapa-ayos ang bahay. Ngunit, ilang taon lamang din ay nawala ang komunikasyon at wala na ring padala silang natatanggap kung kaya ay hubad na semento lang ang natapos.

Agad na sumalubong kay Anita ang nakababatang kapatid ni Tonio na si Sabel. Pinapasok siya nito at sumigaw para tawagin si Tonio. Mabilis naman itong lumabas ng kwarto dala-dala ang mga gagamitin nila sa pag-aaral samantalang siya ay may dalang isang lumang kwaderno, na siyang ini-recycle niya mula sa iba pang kwaderno. Kinuha niya ang ilang parte ng mga malinis at blangkong papel at saka sinulsi para magtagpi-tagpi.

Pumuwesto sila sa sala kung saan doon ay mayroong isang pabilog na lamesa. Inilatag ni Tonio ang mga libro at kwaderno na kaniyang ituturo kay Anita. Ang lahat ng natutunan ni Tonio sa loob ng eskwelahan ay agad naman niyang isinasalin kay Anita. Mabilis namang makuha ni Anita ang lahat dahil magaling at maayos magturo si Tonio at saka may utak rin siya pagdating sa akademiya. Taon-taon nga noong nag-aaral siya ay nakakasungkit siya ng medalya sa tuwing magtatapos ang taon ng pag-aaral. Tuwang-tuwa nga ang kaniyang mga magulang sa tuwing magkakamit siya ng tagumpay. Minsan nga ay napa-iyak pa ang mga ito matapos niyang masungkit ang unang karangalan.

Kaya nga ng mga panahong hindi siya magawang pag-aralin ng mga ito ay abot-abot ang paghingi ng tawad ng mga ito.

“Pasensiya na anak kung kailangan mo munang tumigil sa pag-aaral. Hindi na kasi namin kaya ng itay mong tustusan ang pag-aaral mo. Alam mo naman kung anong nangyari sa mga kapatid mo, nagkasunod-sunod ang problemang dumating sa atin. Hindi rin palagian ang trabaho ng iyong itay kaya ‘yong pang-aaral mo sana ay siyang gagamitin muna natin sa gastusin sa bahay. Hayaan mo, anak, kapag nakaluwag-luwag na tayo ay makakabalik ka rin sa eskwela.”

Naalala niyang sambit ng kaniyang ina noong malaman niyang hindi na muna siya makakapagpatuloy sa pag-aaral. Noong gabi ring iyon ay tahimik na lumuha ang batang si Anita. Gustong-gusto niya ang makatapos ng pag-aaral, gustong-gusto niya ang maiahon ang kaniyang pamilya sa hirap. Kaya nga ginagalingan niya sa eskwela dahil alam niyang ito ang magiging tulay o daan niya upang makamit ang inaasam. Ngunit, noong mga panahong iyo ay tila nawasak ang tulay na siyang daan niya sa pangarap. Nabali ito kung saan nalaglag siya sa kinasasadlakan.

“Ang galing mo talaga, Anita. Ang bilis mong makuha ang lahat. Sayang nga lamang at hindi mo nagawang makapasok ulit sa eskwela, e ‘di sanay ikaw na naman ang siyang nagunguna sa klase natin.” Ang saad ni Tonio matapos nilang mag-aral noong gabing iyon.

Nagpapahinga na sila kung kaya ay nagawa na nilang mag-huntahan.

Malungkot ang naging mukha ni Anita matapos marinig iyon ngunit sa tuwing iisipin niyang makabubuti para sa pamilya nila ang naging desisyon ng magulang ay hindi niya na lang magawang masaktan.

“Ayos lang, Tonio. Walang-wala talaga kaya kailangan munang tumigil, ang sabi naman ni inay ay kapag nakaluwag ay muli akong makakabalik sa eskwela. At saka nandiyan ka naman, ikaw ang pangalawang guro ko.” ang may himig biro niyang saad sa huling sinabi.

Natawa si Tonio at ginulo ang kaniyang buhok.

“Ikaw talaga, malaki na ang utang mo sa akin may bayad kaya ang bawat oras ng pagtuturo ko sa iyo.” hirit naman nito.

“Tiyaka na ang bayad dahil kapag yumaman na ako ay baka triplehin ko pa ang bayad ko sa iyo.” dagdag niya pa. “Pero, salamat Tonio at nandiyan ka. Kahit na hindi na ako pumapasok sa eskwela ay natututo pa rin ako dahil sa iyo.”

“Sus, itigil mo na nga iyang drama mo, Anita. ‘Di bagay sa iyo ang mag-drama. Sampung taon ka pa lang pero nangungulubot na ‘yang mukha mo sa stress.”

Napahawak siya sa mukha at tila ba kinapa ang balat. Hinuli ni Tonio ang kamay niya pagkatapos ay inilagay nito sa magkabilang gilid ng bibig at hinatak ito upang kumurba ang kaniyang labi.

“Hayan, mas bagay sa iyo ang nakangiti.”

At, noong mga oras ring iyon at napangiti siya.

“Tandaan mong nandito tayo sa Pugad Pag-asa kaya hinding-hindi mo dapat balewalain ang diwa ng lugar natin. ‘Wag kang mawalan ng pag-asa, Anita.”

Nagsilbing tanda kay Anita ang mga sinabi ni Tonio. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay hindi siya nawalan ng pag-asa. Ni minsan ay hindi niya magawang sumuko kahit na nga ba sa panahong may makakaharap silang problema. Sa murang edad ay pinilit niyang maging normal, nakikipaglaro sa mga batang kapitbahay nila, nag-aaral  kasama si Tonio, ngunit, ang takbo ng isip niya ay katulad na ng sa matanda. Masyado ng malawak, masyado ng maraming alam dulot na rin ng mga pangyayari sa kaniyang buhay. Nagsilbi itong hulmahan ng kaniyang paggulang.

Hanggang sa isang araw, dumating ang Tiya niya galing Maynila. Matandang dalaga ito at walang anak. Nagulat pa siya sa biglaang pagbisita nito.

Bihirang-bihira lamang kasing bumisita ang mga kaanak nila kaya naman ang pagbisita ng Tiya Meding niya ay isang sorpresa.

Inutusan siya ng kaniyang ina na umutang muna ng tinapay at softdrinks kay Aling Sedes na may-ari ng tindahan kalapit nila. Ito ang takbuhan nila sa tuwing nanganganib sa pagdulas sa palad ang perang kinikita ng mga magulang niya.

Mabilis siyang bumalik dala ang mga ito, naghuhuntahan na ang mga ito ng ihain niya ang pagkain. Sabado, noong araw na iyon kaya mahaba-haba ang oras na sila ay makakapag-aral ni Tonio. Dala ang kwaderno at bolpen ay akma sanang lalabas na ng bahay si Anita ng pigilin siya ng kaniyang inay. Inutusan siya nitong i-ayos ang kaniyang mga gamit. Naestatwa siya sa pagtayo at may kung anong bumundol na kaba sa kaniyang dibdib. Hindi siya agad nakagalaw, tinawag pa muli siya ng kaniyang inay bago siya nakakilos. Tumalima siya sa utos nito kahit na nga ba kinakain ng pag-iisip ang isip niya. Ayaw niya ng pumapasok na ideya sa utak niya. Hindi siya handa. Ayaw niya.

Kinuha niya ang lumang bag na ginagamit niya noon sa eskwela, unti-unti niyang inilagay roon ang kaniyang gamit. Habang ang isip niya ay lumilipad sa kung saan. Iniisip kung ano ba talagang sadya ng Tiya Meding niya, kung bakit biglaan ang pagpunta nito rito. Ayaw niya sa mga nahihinuhang ideya. Paulit-ulit niyang nililimi ang sitwasyon ngunit bumabagsak ito sa iisang ideya lamang.
Alam na niya ang nangyayari, alam na niya ang mangyayari. Ayaw lamang niyang tanggapin. Ayaw niyang ipasok sa isip niya ang kahihinatnan at kasasadlakan niya. Hindi siya handang iwan ang inay at itay niya, ang dalawang kapatid niya, si Tonio, ang paborito niyang binatog, at ang Pugad Pag-asa. Pero, wala na siyang magagawa. Ito ang nakatadhana. Dito siya dinala ng baling tulay na nilakaran niya. Dito siya dinala ng agos ng buhay. Wala siyang magawa dahil sa murang edad niya tanging pag-iyak lamang ang karamay niya.

Narinig niya na ang pagsigaw ng kaniyang inay. Inuutusan na siya nitong bumaba. Mabilis niyang pinahid ang mga luhang tumulo sa pisngi niya. Halos ayaw niyang ihakbang ang mga paa palabas ng kwarto niya ngunit, kailangan.

“Anak!” ang tawag ng inay niya.

Lumapit siya rito habang nababanaag niya sa mga mata nito ang lungkot at ang unti-unting pagbuo ng mga tubig sa mata nito. Ramdam niya ang sakit sa damdamin ng kaniyang inay, kitang-kita niya ang nilalaman ng isip nito.

“Anak, ang Tiya Meding mo. Naaalala mo pa ba siya?” saad nito.

Marahan lamang siyang tumango bilang tugon at muli ay narinig niya ang mga sinabi nito sa kaniya.

“Sa kaniya ka muna titira, anak. Siya muna ang magiging magulang mo. Papaaralin ka niya sa susunod na taon, anak. ‘Diba gusto mong makapagtapos? Pangarap mo iyon… pangarap natin iyo, ‘diba?”

Tango lamang muli ang isinagot niya sa ina. Naramdaman niya ang mahigpit na yakap nito na siyang nakapaglabas ng mga luhang kanina pa niya pinipigilan.

“Sumama sa kaniya, anak. Mabibigyan ka ng Tiya mo ng magandang kinabukasan. Matutupad mo na ang mga pangarap mo. Galingan mo, anak! Alam kong magtatagumpay ka.”

Umalingawngaw sa kaniyang pandinig ang bawat salitang sinaad ng kaniyang ina. Sumama siya sa kaniyang Tiya Meding. Inihakbang niya ang kaniyang mga paa palabas ng Pugad Pag-asa. Inihakbang niya palayo ang mga paa sa kaibigang si Tonio. Iniwan niya ang kaniyang pamilya.

Ngunit, sa mga panahong iyon ay inilakad niya pasulong ang mga paa sa tunay na pag-asa. Sa tamang panahon ay babalikan niya ang kaibigan, babalikan niya ang kaniyang pamilya. At, sa pagkakataong iyon tiyak ay maiaahon na niya ang mga ito sa hirap. Magsusumikap siya para makamit ang inaasam. Para sa pangarap niya… para sa pangarap niya sa kaniyang pamilya.
Masakit man ang malayo sa mahal sa buhay at sa mga nakasanayan, ngunit, kung para sa pag-abot ng pangarap ay gagawin niya ang lahat.

Isasadiwa niya ang kahulugan ng Pugad Pag-asa, ang naging tahanan niya sa pagkakaroon ng pag-asa sa buhay. Sa tulong ng mga naranasan niya sa lugar na ito at sa tulong ng mga taong naging parte ng pagkatao niya rito ay naka-ani siya ng malaking tiyansa ng pag-asa. Hindi na lamang makukulong sa Pugad Pag-asa ang hinihiling niyang pag-asa, lilipad na ito at dadalhin siya sa lugar kung saan makakamtam niya ang inaasam. Hindi niya hahayaan ang tiyansang ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina, gagawin niya itong inspirasyon sa lahat ng dagok sa kaniyang buhay. Hindi niya hahayaan makawala ito sa kaniyang palad dahil kahit anong bigat nito ay hindi niya papakawalan. Hindi niya hahayaang mapatid ang pisi patungo sa pangarap. Hindi niya sasayangin ang pagkakataong ibinigay.

“Ako ang gagawa ng aking tadhana. Ako ang magpapatakbo ng aking buhay. Sa tulong ng mga taong nagbigay pag-asa, ako ay gagawa ng isang tagumpay. Paalam sa ngayon Pugad Pag-asa, babalik ako at kayo ang bibigyan ko ng tunay na pag-asa."




#AuditionEntry
#AStoryToTellWritingContest
#Top20Finalist